Huwebes, Oktubre 15, 2009

Laging Sardinas

LAGING SARDINAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

lagi nang sardinas ang ulam nila
sardinas kagabi, sardinas sa umaga
at siya'y talagang nagsasawa na
ang tanong niya, "wala na bang iba?"

anong gagawin kung iyon ang kaya
ng kanyang amang butas na ang bulsa
na kakarampot lang ang kinikita
di makabuhay ng buong pamilya

namumugto ang kanyang mga mata
pagkat sa sardinas nagpoprotesta
"di ka na nasanay, ah" anang ina
"kung ayaw mo, aba'y magtrabaho ka"

ngunit nang magkatrabaho na siya
natanggap na sweldo'y tinitipid pa
upang makatikim ng letsong baka
kahit paminsan lang sa buhay niya

sa restoran ay kumain na siya
at nilantakan yaong letsong baka
ngunit anya ay di iyon malasa
at siya'y nagbayad na sa kahera

ani sa sarili, kaymahal pala
at ito'y ilang sardinas na sana
wala tuloy nauwi sa pamilya
kundi kakarampot lamang na barya

ngunit patuloy siya sa protesta
sardinas nga'y isinumpa na niya
at nangakong magsusumikap siya
nang makain ay ibang putahe na

ngunit nang minsang binaha na sila
at nawala'y ang buong bahay nila
sa relief ang pawang natanggap niya
ay noodles at sardinas na delata

Ang Mabuting Kaibigan

ANG MABUTING KAIBIGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Ang mabuting kaibigan ay handa sa pagdamay
Sa anumang labanan, handa siyang mamatay
Para sa kanya, ikaw'y higit pa sa kanyang buhay
Handa siya sa anuman, huwag ka lang malumbay.

Magkasalo kayo sa mga piging at inuman
Magkasama kayo kahit sa mga kalokohan
Kahit sikreto ninyo'y alam nyong magkaibigan
At sumumpa pa kayong walang iwanan sa laban.

Nagkakausap, nagkakasama, sadyang makulay
Pag isinulat na ang inyong mga talambuhay
Ngunit siya'y dapat mo lang pakiharapang tunay
Pagkat mabuting kaibigan, masamang kaaway.

Dahil alam niya ang likaw ng iyong bituka
At ang lahat ng baho nyo'y alam ng isa't isa
Pag kayo'y nagkagalit, tiyak matindi ang gera
Titiyakin nyong wala nang buhay pang matitira.

Ganyan katindi kung maglaban ang magkaibigan
Kung sila'y sadyang magkakagalit na ng tuluyan
Kaya bago mangyari iyon, dapat pag-usapan
Ang anumang problema't sila'y magkaunawaan.

Tutal, magkakilala na sila nuon pang una
At tiyak alam nila ang galaw ng bawat isa
Ngunit mas maiging may mamagitan sa kanila
Nang ito'y humantong sa magandang pagpapasiya.