Martes, Marso 27, 2012

Luksampati sa Luksang Parangal


LUKSAMPATI SA LUKSANG PARANGAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

binibigyang pugay ang nawalang kasama
na namatay sa karamdaman o sa gera
na pawang nakibaka para sa hustisya
at upang baguhin ang bulok na sistema

sa bawat luksampati'y pawang pagpupugay
ang handog ng mga kasama sa namatay
sa pag-idlip nito, ang katawang humimlay
ay pagkatuldok sa pakikibakang tunay

sa isa naming kasama'y namumutawi
yaong bait ng namatay, pawang papuri
gayong noong buhay pa'y nanggagalaiti
ngunit ano nga bang layon ng luksampati

bigyang parangal yaong kasamang nawala
sa huling sandali sa ibabaw ng lupa
sa bayan ay munti man ang kanyang nagawa
ngunit munti iyong sa masa'y pagpapala

may luksampati sa bawat luksang parangal
di upang wasakin ang namatay na dangal
di upang sirain sa namatay ang dangal
kundi ipakita ang ginawang marangal

bigyang pugay natin ang nawalang kasama
mabuting luksampati'y para sa pamilya
at anumang maiwan niyang alaala
magaan ang kalooban ng bawat isa