Biyernes, Nobyembre 29, 2024

Ang galas pala'y mapulang lupa

ANG GALAS PALA'Y MAPULANG LUPA

may Mapulang Lupa sa Las Piñas
sa bandang Sampaloc ay may Galas
naalala ngayon at nawatas
dalawang lugar pala'y parehas

ng kahulugan, aking nalaman
mula sa isang palaisipan
sa tanong sa Talumpu Pahalang
na tunay na dagdag-kaalaman

ang galas pala'y mapulang lupa
na marahil sinasakang sadya
upang magkapalay na dakila
upang gawing bigas nitong madla

wala ako ritong diksyunaryo
pagkat nasa ospital pa ako
buti'y may krosword akong narito
may natutunan na namang bago

- gregoriovbituinjr.
11.29.2024

* krosword mula sa pahayagang Abante, Nobyembre 24, 2024, p.7

Balagtas mula bagtas, kalamyas mula kamyas

BALAGTAS MULA BAGTAS, KALAMYAS MULA KAMYAS

Sa lalawigan ni Itay sa Batangas, ang tawag sa bungang KAMYAS ay KALAMYAS na madalas isahog sa sinaing na tulingan. Nadagdagan ng "la" ang KAMYAS. Kumbaga, ang kamyas sa Maynila ay kalamyas sa Batangas. Ang aking ama'y mula sa Balayan kung saan palasak ang sinaing na tulingan. Ang kalamyas na pinatuyo mula sa pagkabilad sa araw ang paborito kong papakin sa sinaing na tulingan.

Mas napansin ko ang paggamit sa "la" ngayon nang talakayin ni Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario na ang BALAGTAS ay mula sa salitang BAGTAS. Tulad din ng kalamyas na nadagdagan ng "la" sa salita.

Binabasa ko ang aklat na Kulo at Kolorum ni Almario, pahina 31, at nabanggit niya iyon. Ayon sa kanya, "Una, dahil isang totoong Tagalog na salita ang "balagtas" - varyant ng "bagtas" at katumbas ng shortcut natin sa Ingles. Ikalawa, bahagi ng kadakilaan ng Florante at Laura ang idinulot nitong simbolikong pagbagtas ng panitikan ng ..."

Panlapi ba ang "la"? Ito ang tila sinasabi sa mga nabanggit na salita. Mayroon tayong gitlaping "la". Bukod sa Balagtas at kalamyas, may iba pa kayang salitang gumagamit ng gitlaping "la"?

Dagdag pa ni Almario, "Sa kasulatan ng binyag, isinunod ang pangalan ng makata sa pangalan ng ama na si Juan Balagtas ng Panginay, Bigaa, kaya bininyagan siyang "Francisco Balagtas."

Ginawan ko ng munting tula ang usaping ito:

GITLAPING "LA"

ani Almario, mula "bagtas" ang "Balagtas"
dahil panitikan ng bayan ang binagtas
para pala itong kalamyas sa Batangas
na dinugtungan ng gitlaping "la" ang kamyas

mga dagdag-kaalaman ang mga ito
nang mapaunlad pa ang wikang Filipino
at mabatid ng tagapagtaguyod nito
gaya ng makata't manunulat tulad ko

sa mga saliksik ko'y isasamang sadya
at magagamit sa anumang maaakda
ang gitlaping "la" ay luma ngunit sariwa
na karaniwan nang ginagamit ng madla

maraming salamat, mga ito'y nabatid
wikang lalawiganin ay may naihatid
at napagtantong kung sakaling may balakid
sa pagpaunlad ng wika'y maging masugid

- gregoriovbituinjr.
11.29.2024