Miyerkules, Oktubre 28, 2015

Maiguguhit ba ng kamay ang pangarap na asam

MAIGUGUHIT BA NG KAMAY ANG PANGARAP NA ASAM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

maiguguhit ba ng kamay ang pangarap na asam
paano kung bukas nila’y tila ba lumalamlam
karukhaan nila'y kailan kaya mapaparam
may dadatnan ba silang kinabukasang mainam

asam na pangarap ba'y kanilang maiguguhit
upang mapalipad ang kanilang hiling sa langit
napakapayak ng pangarap nilang mga yagit
simpleng tahanang matitirahan, di man marikit

pangarap na asam ba'y maiguguhit ng kamay
lalo na’t musmos na pinangarap na magkabahay
magulang nila'y dukha pa rin kahit nagsisikhay
gobyerno ba'y paanong sa kanila aalalay

iguguhit ba ng kamay ang asam na pangarap
nang kahit sa ganoon ay makaalpas sa hirap
paano bang kanilang pangarap ay maging ganap
upang ginhawa naman ay kanila ring malasap

litrato mula sa google

Kapitalismo ang sa kalikasan yumuyurak

 KAPITALISMO ANG SA KALIKASAN YUMUYURAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kapitalismo ang sa kalikasan yumuyurak
ginahasa ang mga lupa't sa dugo natigmak
puno'y naputol, naglaho pati mga pinitak
dahil sa sistemang kapitalismong sadyang tunggak
tingin sa buhay ng katutubo'y para lang latak
mga salanggapang na pati obrero'y hinamak
troso't ginto'y kinuha habang labis ang halaklak
ganyan ang epekto pag tubo'y laging nasa utak
pinatatagas ang puhunan, tubo'y nilalaklak
pati lumad sa sariling bayan pinahahamak
tila kapitalista'y buong bayan ang sinaksak
buhay ang kapalit, kumita lang ng limpak-limpak
mina ng mina hanggang lupa na'y nakasisindak
ang kinalbo nilang bundok, sa delubyo ang bagsak
kalunos-lunos, at sa isip ng madla'y tumatak
pagbabago ng sistema na ang dapat matahak

Sa isang babaeng makata

SA ISANG BABAENG MAKATA

makatang mutya, maligayang kaarawan
tila isa kang diwata sa kalangitan
kapag umalingawngaw ang iyong pangalan
tandang liwanag ka sa hardin ng karimlan

maraming salamat, may makatang tulad mo
isa kang inspirasyon sa maraming tao
sa iyong bawat tula kami'y inspirado
bumabangon ang diwa sa bawat katha mo

makatang mutya, manatili kang malusog
malakas ang katawan, may diwang matayog
panitik mo sa tiwali'y bumubulabog
sa sistemang bulok, katha mo'y dumudurog

sadyang kami'y nagpupugay, makatang mutya
sa usad ng panitik mong may tuwa't luha
kaya mong suungin ang dumatal na sigwa
sa uring burgesya, katha mo'y mapangutya

sa iyo'y sadyang nais kong magpasalamat
nagawa ng tula mong ang masa'y dumilat
mga kathang sa marami'y sadyang kumalat
Hapi Bertdey sa iyo, mutyang mapagmulat

- gregbituinjr.
28 Oktubre 2015