Miyerkules, Hunyo 13, 2012

Merkado na ba ang pamahalaan?


MERKADO NA BA ANG PAMAHALAAN?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

maraming isyu, tutunganga ka na lang ba
tumaas bigla ang presyo ng gasolina
kaya ibang bilihin naapektuhan na
bihira na yatang makabili ng mura

kaymamahal na ng bilihin sa palengke
doble na kilo ng talong, kamatis, gabe
at ibang gulay, damay na rin pati karne
may petisyon pang taasan ang pamasahe

sa ganitong lagay, saan tayo patungo
lalo't mamamayan ay natutuliro
manggagawa'y kayod-kalabaw, nahahapo
parang hinahaluan ang pawis ng dugo

ang merkado'y ginagawa tayong alila
dahil akala nila tayo'y tutunganga
magtitiis sa buhay na kasumpa-sumpa
pinaiikot nila sa palad ang madla

anang merkado, "taasan natin ang presyo
tindihan na ang kumpetisyon nating ito
bahala na kung lalong maghirap ang tao
importante'y tutubo ng tutubo tayo!"

sa ganito, ang madla'y di napapakali
dahil para silang tinamaan ng peste
di nila mawawaang ganito karami
ang mabibiktima ng mga negosyante

kung sa sarili nagsisilbi ang merkado
mag-alsa na ang mamamayang apektado
bayan ay pinagharian na ng negosyo
tinatakda na nito ang buhay sa mundo 

ang merkado na nga ba ang pamahalaan
sila na ba ang nagpapaikot sa bayan
gobyerno ba'y wala nang papel sa lipunan
kaibigan, lipunang ito'y pag-aralan