Martes, Pebrero 1, 2011

Ang Mangarap ng Gising

ANG MANGARAP NG GISING
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

di lang pag tulog tayo nangangarap
ng mga bagay na ating naisin
lalo na't danas nati'y pulos hirap
kaya maaring mangarap ng gising

pinapangarap nating magbago na
ang lipunang ating ginagalawan
pangarap nating mawala ang dusa
sa sistemang ating kinasadlakan

iba ang dating ng pikit mangarap
pantasya ang panaginip ng himbing
konting ginhawa lang ang malalasap
hirap pa rin ang danas pag nagising

mulat tayong mangarap ng lipunang
papalit na sa ating kinagisnan

Taas-Kamao

TAAS-KAMAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

bumubulwak sa poot ang kanyang kalamnan
nanginginig sa galit pati mga laman
pulos "Bakit? Bakit?" ang kanyang katanungan
bakit ganito ang ating kinasadlakan?

dati'y hirap siyang itaas yaong kamay
kahit pa dapat niya itong iwagayway
ngayon, ang pagtaas-kamao niya'y tunay
anya, "Bulok na sistema'y dalhin sa hukay!"

ngunit di sapat ang taas-kamao niya
dapat matuto rin siyang mag-organisa
sistema'y suriin, talakayin sa iba
kung bakit dapat nang baguhin ang sistema

upang di lang siya ang magtaas-kamao
kundi marami pa at sabay-sabay tayo
ang poot natin ay gawing mitsang totoo
nang pinagsamantalahang mundo'y mabago