Martes, Abril 6, 2021

Ang lambana

oo, siya nga'y nakita ko na, isang lambana
lilipad-lipad, bubulong-bulong sa aking taynga
nasaksihan niya ang pagdiga ko sa dalaga
na ngayon ay naging kasama ko't napangasawa

anong rikit ng lambanang iyon, palipad-lipad
na di ko matingkala saan nanggaling na pugad
habang kinakayod ko ang niyog ng anong kupad
nag-iingat lamang akong magkasugat ang palad

ang lambana'y naroong tila bantay sa paglaki
gabay ko kahit sa panliligaw sa binibini
patnubay ko laban sa mga tulisan ng gabi
giya upang matalunton ang hahakbangang sibi

anang lambana'y di totoo ang kapre o aswang
ngunit matakot ka sa sinasabi nilang tokhang
buti na lang may lambanang gabay mula pagsilang
upang maiwasan ko ang anumang pananambang

- gregoriovbituinjr.

* lambana - sa Ingles ay fairy

Soneto 5 - para sa April 7 (World Health Day)

Soneto 5 - para sa April 7 (World Health Day)

AYUSIN ANG PHILIPPINE HEALTH CARE SYSTEM!

ayon sa ulat, libo'y namatay sa COVID-19
labingtatlong libong higit na, nakakapanimdim
pag ganito ang nangyayari'y karima-rimarim
ang dapat na'y ayusin ang Philippine Health Care System

anang iba, wala kasing komprehensibong plano
na pulis at militar ang solusyon ng gobyerno
coronavirus ang kalaban, pinuntirya'y tao
naging bulag na tagasunod ng panggulong amo

binaril si Winston Ragos, pasaway ay nasaktan
coronavirus ang kalaban, di ang mamamayan
ang dapat pag-isipan ay kalusugan ng bayan
serbisyong medikal, di militar, ang kailangan

ayusin ang Philippine Health Care System, aming hiyaw
ito'y makatarungang gawin at dapat malinaw

- gregoriovbituinjr.

Soneto 4 - para sa April 7 (World Health Day)

Soneto 4 - para sa April 7 (World Health Day)

TRABAHO AT AYUDA, HINDI TANGGALAN!

ramdam ng manggagawa sa lockdown, panay ekstensyon
nawalan na ng trabaho'y kayrami pang restriksyon
wala nga bang plano kaya pulos modipikasyon?
na sa una pa lang ay di malaman ang solusyon?

nagsasara ang kumpanya, kaya pulos tanggalan
pati pagkakataon pa'y pinagsamantalahan
regular na manggagawa'y kanilang pinalitan
ng mga kontraktwal, aba'y napakasakit naman

dapat pangalagaan ang trabaho ng obrero
lalo't pandemya't lockdown pa sa mga lugar ninyo
subalit kontraktwalisasyon pa'y sinabay dito!
sadya bang walang puso ang kapitalistang tuso?

sigaw namin: Trabaho't Ayuda, Hindi Tanggalan!
sistemang kontraktwal ay dapat alising tuluyan!

- gregoriovbituinjr.