Sabado, Pebrero 27, 2021

Ituloy ang laban ng masa

Ituloy ang laban ng masa

di pa rin nagbabago itong bulok na sistema
kumilos na noon ang manggagawa't aktibista
mula Haymarket Square at welga sa La Tondeña
mula diktadura hanggang pag-aalsa sa Edsa

inaral ang takbo ng pulitika't ng lipunan
bakit laksa'y naghihirap, nagpapasasa'y ilan
bakit pribadong pag-aari'y kamkam ng mayaman
bakit kayraming lupang pag-aari ng Simbahan

kayraming katanungan sa mundo'y dapat masagot
sa mga mapagsamantala'y di dapat matakot
lalaban tayo't maniningil, may dapat managot
tanikalang nakapulupot ay dapat malagot

sistemang bulok ba'y pamana sa kinabukasan
o kikilos tayo upang mapang-api'y hubaran
ng gintong baluting pribilehiyo ng iilan
baguhin na natin ang sistema't tayo'y lumaban

ituloy ang pakikibaka, ang laban ng masa
upang kamtin ng bayan ang panlipunang hustisya
wakasan lahat ng tipo ng pagsasamantala
at wakasan na rin ang paghahari ng burgesya

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa ika-35 anibersaryo ng People Power, 02.25.21

Soneto sa manggagawa

Soneto sa manggagawa

kahit delikado ang trabaho ng manggagawa
na paminsan-minsan sila'y ating tinitingala
dahil nasa taas ng pader o sa tuktok kaya
ng gusali, trabaho'y gagawin kahit malula

sapagkat manggagawa, tagaugit ng lipunan
pangunahing nag-aambag sa ekonomya't bayan
silang manggagawa'y tagatimon ng kasaysayan
ngunit tinuturing na mga aliping sahuran

upang makabalik kinabukasan sa trabaho
living wage sa batas, minimum wage ang sinusweldo
ganyan tinatrato ang mga bayaning obrero
dito sa ilalim ng sistemang kapitalismo

uring manggagawa, magkaisa upang lumaya
sa lipunang itong kayo rin mismo ang lumikha

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan.

Ang ating panawagang pampublikong pabahay

Ang ating panawagang pampublikong pabahay

libre, ligtas, sustenableng pampublikong pabahay
panawagan ng maralita't prinsipyadong pakay
itinanim nila ang binhi't tutubo ang uhay
upang mamunga ng inaasam na gintong palay

pampublikong pabahay ang sa dibdib halukipkip
konseptong nagsimula sa pangarap na masagip
sa hirap ang pamilya ng dukhang bugbog ang isip
kung paano kakamtin ang ginhawang nalilirip

di pribadong pag-aari, at di rin namamana
gobyerno'y bahalang may matitirhan ang pamilya
di gaya ngayon, sa paninirahan, bahala ka
mamulubi man sa taas ng bayarin at upa

iba'y patirahin kung di mo gagamitin ito
lalo't lumipat ng tirahan dahil sa trabaho
nagkapamilya ang anak, hihiwalay sa iyo
may laan ding pabahay sa kanila ang gobyerno

iyan ang magandang konseptong dapat ipaglaban
pampublikong pabahay ang ating paninindigan
pag namatay ka, may iba namang gagamit niyan
prinsipyo't tindig para sa makataong lipunan

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa ika-35 anibersaryo ng People Power, 02.25.21

Soneto sa dukha

Soneto sa dukha

kami man ay dukha
o nagdaralita
di pakakawawa
sa tuso't kuhila

kahit mahirap man
may paninindigan
makikipaglaban
ng may karangalan

kami'y di susuko
sa burgesyang lilo
dugo ma'y kumulo
kami'y di yuyuko

kung dukha man kami
sa bayan may silbi

- gregoriovbituinjr.

- nag-selfie sa People Power monument, 02.25.21

Pasubali

Pasubali

huwag kang basta sumunod sa mga matatanda
akala'y nakakatulong sila't ngawa ng ngawa

kaya ka pinag-aral dahil may sariling isip
na matanto ang mga bagay-bagay sa paligid

ngunit matuto ka sa karanasan nila't kwento
baka may makatas kang magagamit sa buhay mo

magkakaiba ang kalagayan noon at ngayon
tulad sa larong chess, aralin mo rin ang sitwasyon

di pwedeng pulos Ruy Lopez ang opening mong batid
pag nag-Sicilian o Pirc defense na siya'y tagilid

isipin mo ang dapat gawin sa kasalukuyan
kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan

alamin mo na rin ang samutsaring pasubali
buhay na ito'y tadtad ng pagbabakasakali

- gregoriovbituinjr.

Mga kwento ng nakaraan

kwento ng lola ko, noon daw panahon ng Hapon
dinanas nila'y hirap ngunit sila'y nakaahon

dagdag pa, pag nagluto ng sinaing na tulingan
baga ay bao sa tungko, di sa modernong kalan

huwag magwalis sa gabi, mawawala ang swerte
may pera na sa basura, swerte'y galing sa dumi

may narinig daw silang aswang kaya nagtalukbong
may magnanakaw na pala't nanakaw ang panabong

kwento ni ama, noon daw panahon ng martial law
tahimik ngunit kumukulo ang dugo ng tao

subalit nang pumutok ang welga sa La Tondeña
naunawa ng tao ang panlipunang hustisya

"Makibaka, Huwag Matakot" ang kanilang hiyaw
subalit ibatay sa sitwasyon pag isinigaw

bumagsak si Marcos, anong aral na makukuha
ngayon kay Duterte, People Power pa ba'y uubra

kapag magluluto ka raw ng sinaing sa tungko
tingnan-tingnan, baka malata, di ayos ang luto

ating aralin ang mga kwento ng nakaraan
baka may magagamit para sa kasalukuyan

- gregoriovbituinjr.

Ang tatak sa tshirt

Ang tatak sa tshirt

tatak sa tshirt ng makatang mapagtiis
ay "Social Progress should be based on Social Justice"
paninindigan at prinsipyong ninanais
kamtin ng masa laban sa pagmamalabis

payak na panawagan at inaadhika
upang ang bawat isa'y tuluyang sumigla
sa pagkilos laban sa inhustisya't sigwa
na gawa ng mga kuhilang anong sama

- gregoriovbituinjr.
02.25.2021saPeoplePowermonument