Martes, Pebrero 9, 2010

Nawa'y Mahabag Ang Aking Mahal

NAWA'Y MAHABAG ANG AKING MAHAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

(tugon sa isang kasama sa kanyang tanong sa email na "Kasamang Greg, kung ang iyong pag-ibig ay tapat at dakila bakit kailangan ng habag?" na tumutukoy sa huling saknong ng tula kong "Sa Dilag na Tinitibok ng Puso" na nasa blog ko't email, na tinugon ko naman sa pamamagitan ng tula)

puso kong ito ang nagpapahayag
na iniibig ang magandang dilag
ang makata'y umaasam ng habag
nagbabakasakaling mapapayag
sa pagsintang luhog sa nililiyag

matagal ko siyang pinapangarap
siyang dyosa mula sa alapaap
habang lupa pa akong naghahanap
ng kahit konting pagtingin, paglingap
nang umalwan ang pusong naghihirap

kung ang pag-ibig ko'y dakila't tapat?
kasama, tama ka't tanong mo'y lapat
sa kalagayan kong wala pang sapat
na tugon, gayong pag-ibig ko'y tapat
kaya pagsusumamo'y nararapat

ang pag-ibig ko sa kanya'y dakila!
sapat ba iyon upang di lumuha?
paano kung ako'y mabalewala
tiyak malalanta ang mga tula
baka makata sa mundo'y mawala

ang magandang dalaga'y sinisinta
sa puso ko'y lagi nang nadarama
sa isip ko'y lagi nang nakikita
kaya pagsusumamo ko sa kanya
nawa'y maawa siyang aking sinta