Linggo, Setyembre 7, 2025

Banoy

BANOY

mawawalâ na raw ang Pilipinong banoy
sa loob ng limampu o walumpung taon
o kaya'y pagitan ng nasabing panahon
nakababahala na ang ulat na iyon

kung agilang Pinoy na'y tuluyang nawalâ
pinabayaan ba ang ispesyi ng bansâ
tulad ba ng dinasour nang ito'y nawalâ
o tayong tao mismo ang mga maysalà

nakahihinayang pag nawala ang limbas
sa sariling kultura't pabula ng pantas
magiging kwento na lang ba ng nakalipas
itong agilang Pinoy sa kwento't palabas

tatlong daan siyamnapu't dalawang pares
na lang ang naiiwan, panaho'y kaybilis
maalagaan pa ba silang walang mintis
upang populasyon nila'y di numinipis

- gregoriovbituinjr.
09.07.2025

* ulat mulâ sa kawing na: https://www.facebook.com/share/p/1GaoFZ1NrR/ 

The country’s national bird might get extinct in the next 50 to 80 years, an official of the Philippine Eagle Foundation (PEF) said.

In an interview with MindaNews Thursday, PEF director for operations Jayson C. Ibañez said that based on their Population Viability Analysis workshop conducted this week, certain factors indicate the possibility of the extinction of the Philippine Eagle.

Based on the PEF’s latest study published in 2023, there are only 392 remaining pairs of the raptor left in the wild.

via MindaNews https://ift.tt/cYDBjfJ 

Ang maiaalay sa mundo

ANG MAIAALAY SA MUNDO

iyon lang ang maiaalay ko sa mundo
ang ibigay yaring buhay para sa kapwa
at maitayo ang lipunang makatao
at patas sa pagkilos nating sama-sama

sasakahin natin ang mga kabukiran
talbos, gulay at palay ay ating itanim
pinakakain ng pesante''y buong bayan
ngunit sila pa'y api't mistulang alipin

suriin ang lipunan at sistemang bulok
oligarkiya, trapo't dinastiya'y bakit
sa kapangyarihan ay gahaman at hayok
kaylupit pa nila sa mga maliliit

marapat lang nagpapakatao ang lahat
at ipagtanggol din ang dignidad na taglay 
kaya sa pagkilos sa masa'y nakalantad
sa mundong ito'y inalay na yaring buhay

- gregoriovbituinjr.
09.07.2025

* litratong kuha sa bayan ng Balayan, lalawigan ng Batangas

Ingat sa daan

INGAT SA DAAN

naglalakad nang tulala madalas
buti't sa disgrasya'y nakaiiwas
at alisto pa rin sa nilalandas
sa pupuntaha'y di nakalalampas

tulala man itong abang makatâ
pagkat mahal na asawa'y nawalâ
lakad ng lakad, at kathâ ng kathâ
buti't sa daan, di nasusungabâ

kahit sa diskusyon, tulalâ minsan
diwa'y nawawalâ sa talakayan;
bilin sa tulalâ: ingat sa daan
baka madapâ, agad masugatan

buti't ang makata'y di naliligaw
sa baku-bako pa'y nakalalaktaw
sabit sa dyip, buti't di nakabitaw
kundi'y sariling mundo'y magugunaw

- gregoriovbituinjr.
09.07.2025