Linggo, Mayo 29, 2016

Sa kaarawan ni Klasmeyt Fides

 SA KAARAWAN NI KLASMEYT FIDES

sadyang ang panahon ay talagang kaybilis
animo'y isang anghel na humahagibis
kaarawan mo na naman, O, Klasmeyt Fides
pagbati sa kaarawan mo'y di maalis

nawa'y lalagi kang manatiling malusog
di nagkakasakit, maraming umiirog
kamtin nawa ang pangarap, di man matayog
pagbati'y tanggapin nawa't tangi kong handog

maraming salamat, tulad mo'y inspirasyon
sa maraming nagsisikap din hanggang ngayon
matamis mong ngiti man ay kanilang baon
kayang salubungin ang malakas mang alon

malampasan mo nawa anumang buhawi
at mga unos na dala'y luha't pighati
taun-taon man, Klasmeyt, kita'y binabati
matatag ka't nawa'y kamtin mo bawat mithi

- GREGBITUINJR., 29 May 2016

Sungkitin man natin ang bituin sa kalangitan

SUNGKITIN MAN NATIN ANG BITUIN SA KALANGITAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sungkitin man natin ang bituin sa kalangitan
upang sakaling sa madla'y tiyak tayong kalugdan
haraya'y naglalaro't hanggang panagimpan lamang
ano bang reyalidad sa kinagisnang lipunan

kayraming api, santambak ang mapagsamantala
sangkatutak sa lipunan ang kawalang-hustisya
pusakal ay lumalaya basta't makagpagpyansa
pati ba naman hustisya'y may katapat na pera

pagpalain nawa ni Bathala ang magigiting
habang mga minumutyang dilag ay naglalambing
mahalaga, puso'y masaya kahit walang piging
may pag-asa anuman ang sa atin ay dumating

pagkat kakayanin natin lumakas man ang unos
basta't masa'y kumakain, walang nambubusabos
na di gaya ngayong ang buhay ay kalunos-lunos
at masisipag na manggagawa pa'y kinakapos