Linggo, Mayo 29, 2016

Sungkitin man natin ang bituin sa kalangitan

SUNGKITIN MAN NATIN ANG BITUIN SA KALANGITAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sungkitin man natin ang bituin sa kalangitan
upang sakaling sa madla'y tiyak tayong kalugdan
haraya'y naglalaro't hanggang panagimpan lamang
ano bang reyalidad sa kinagisnang lipunan

kayraming api, santambak ang mapagsamantala
sangkatutak sa lipunan ang kawalang-hustisya
pusakal ay lumalaya basta't makagpagpyansa
pati ba naman hustisya'y may katapat na pera

pagpalain nawa ni Bathala ang magigiting
habang mga minumutyang dilag ay naglalambing
mahalaga, puso'y masaya kahit walang piging
may pag-asa anuman ang sa atin ay dumating

pagkat kakayanin natin lumakas man ang unos
basta't masa'y kumakain, walang nambubusabos
na di gaya ngayong ang buhay ay kalunos-lunos
at masisipag na manggagawa pa'y kinakapos

Walang komento: