Linggo, Abril 9, 2023

Kalbaryo pa rin hangga't bulok ang sistema

KALBARYO PA RIN HANGGA'T BULOK ANG SISTEMA

kwaresma'y tapos na, ngunit di ang kalbaryo
dahil pabigat pa rin ang maraming isyu
sa dukha, babae, bata, vendor, obrero
napaisip kami: matatapos ba ito?

dahil problema'y nakaugat sa sistema
may uring mapang-api't mapagsamantala
at may pinagsasamantalahan talaga
sa ganito'y di na makahinga ang masa

may uring kamkam ang pribadong pag-aari
may isinilang na akala sila'y hari
may kapitalista, may elitista't pari
may sa pang-aapi'y nagkakaisang uri

may inaapi't pinagsasamantalahan
na walang pribadong pag-aaring anuman
liban sa lakas-paggawa nila't katawan
at nabubuhay bilang aliping sahuran

hangga't umiiral iyang sistemang bulok
patuloy tayong pamumunuan ng bugok
bakit kaya sinabi sa kantang "Tatsulok"
"Tulad ng dukha na ilagay mo sa tuktok!"

sadya bang ganyan ang kalakaran sa mundo?
tatanggapin na lang ba natin ang ganito?
o magkaisa ang dukha't uring obrero?
upang itatag ang lipunang makatao!

itayo'y lipunan ng uring manggagawa
na kung walang manggagawa, walang dakila
di uunlad ang daigdig na pinagpala
nitong kamay ng manggagawang mapanlikha

- gregoriovbituinjr.
04.09.2023

* litrato mula sa fb, maraming salamat po

Dalawang "taong" naglalakad: Ano ang tamang bigkas?

DALAWANG "TAONG" NAGLALAKAD: ANO ANG TAMANG BIGKAS?
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Narinig ko lang sa pinanonood ni misis ang isang banyagang pelikula sa kanyang selpon. Nasa wikang Filipino iyon, na isinalin sa wikang Ingles. Sa wari ko'y banyaga ang nagsasalita ng wikang Filipino. Agad kong hiningi kay misis ang kawing o link ng palabas, na makikita sa https://www.facebook.com/watch/?v=1949598872061352

Narinig ko ang ganitong pananalita roon: "Dalawang taong naglalakad..." Mabilis ang bigkas sa "taong" na kung isasalin ko sa Ingles ay ganito: "Two years walking..." Gayong ang tinutukoy doon ay "dalawang tao", hindi "dalawang taon". Na kung isasalin ko sa Ingles ay "two men are walking", lalo't parehong lalaki ang tinutukoy, dahil sa mga pangalang Dale at Billy. Kung dalawang babae naman ay "two women are walking..." o "two girls" o "two ladies" at kung isa ay lalaki at ang isa ay babae ay iba-iba pa ang gamit. "They are walking" o tukuyin ang pangalan: "Paulo and Paula are walking..." 

Sa madaling salita, dapat mabagal ang pagkabigkas o pagbasa sa "Dalawang taong naglalakad..." upang matiyak ng makaririnig na ang tinutukoy ay "dalawang tao" pala, at hindi "dalawang taon".

Ano naman ang usapin hinggil dito? Upang mas maunawaan talaga ang kwento. Isyu ito ng tamang pagkakasalin at tamang pagbigkas.

Mukhang binasa lang ng banyagang tagapagsalaysay ang nakasulat na salin kaya hindi niya nabigkas ng tama ang "taong" kung mabagal ba o mabilis.

Sa balarila o sa pag-aayos ng pangungusap, lalo na kung binabasa ito, at kung binibigkas pa ito tulad ng narinig ko, marahil ay ganito dapat ang pagsasalin:

Imbes na "Dalawang taong naglalakad", ayusin ang pagkakasulat tulad ng alinman sa dalawa: "Naglalakad ang dalawang tao..." o kaya'y "Naglalakad ng dalawang taon...", depende sa ibig talagang sabihin. O kaya ay "Dalawang tao ang naglalakad..." na iba rin kaysa "Dalawang taon siyang naglalakad..." na parang si Samuel Bilibit.

Dapat malinaw ang pagkakasalin upang mas maunawaan talaga ano ang ibig sabihin, at bigkasin naman ng tama ang isinalin.

Marami kasing salita sa ating wika na nag-iiba ang kahulugan depende kung paano ito binibigkas, tulad ng tubo (pipe), tubó (sugar cane), o tubò (profit o growth). Mayroon namang pareho ang bigkas subalit magkaiba ng kahulugan, tulad ng bola ng basketball at bola sa nililigawan.

Kalbaryo ng konsyumer

KALBARYO NG KONSYUMER

matapos ang Kwaresma'y kalbaryo pa rin sa masa
presyong kaymahal ng kuryente'y kalbaryo talaga
biktima na tayo ng ganid na kapitalista
aba'y biktima pa tayo ng bulok na sistema

sa mahal na kuryente'y talagang natuturete
di na malaman ng maralita bakit ganire
kung saan kukuha ng panggastos, ng pamasahe
ng pambiling pagkain, ng pambayad sa kuryente

mas mahal sa minimum wage ang sangkilong sibuyas
di kasya upang bayaran ang kuryenteng kaytaas
sa Asya, pinakamahal na ba ang Pilipinas?
masa'y gagamit na lang ba ng gasera o gaas?

coal plants at fossil fuel ang nagpapamahal sadya
sa presyo ng kuryenteng talagang kasumpa-sumpa!
kung ganito lagi, dukha'y mananatiling dukha!
mag-renewable energy kaya ang buong bansa?

- gregoriovbituinjr.
04.09.2023

Tambiling ang pasakalye

TAMBILING ANG PASAKALYE

pasakalye pala'y mula wikang Kastila
na mayroong katumbas sa ating salita
na magandang gamitin sa awiting sadya
kapara'y tambiling na lokal na kataga

pasakalye'y nakita ko sa Jingle noon
subalit di na makita sa songhits ngayon
nagbago na ba sa paglipas ng panahon?
unti-unting nawala ang salitang iyon?

buti't sa internet may nahanap pa ako
kung paano ginamit ang salitang ito
nina Willie Garte at April Boy Regino
at Freddie Aguilar sa awiting "Bayan Ko"

sa pinagsanggunian, kahulugang bitbit:
ikalawa o huling bahagi ng awit
iba'y tipa ng gitara ang ikinabit
magkakaiba man, kayganda pang magamit

pausuhin kaya ang salitang TAMBILING
imbes na pasakalye sa ating awitin
lumang salita ba itong dapat pawiin
o salitang ito'y hanguin at gamitin

baka makata lang ang dito'y may interes
ang paghanap ng salitang kanais-nais
lalo na't may lokal na salitang kaparis
mula sa banyagang sa atin ay umamis

- gregoriovbituinjr
04.09.2023

Pinaghalawan:
UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 943, 1220
https://www.justsomelyrics.com/862904/freddie-aguilar-bayan-ko-tagalog-lyrics.html
https://www.smule.com/song/willy-garte-lorena-karaoke-lyrics/427313881_462464/arrangement
https://www.scribd.com/document/411413655/awit-ng-isang-alagad-pdf#
https://mojim.com/usy173432x6x3.htm

Kalbaryo pa rin, nagtapos man ang semana santa

KALBARYO PA RIN, NAGTAPOS MAN ANG SEMANA SANTA

sa pagtatapos ng semana santa
natapos din ba ang kalbaryo nila?

may kalbaryo pa rin ang maralita!
patuloy pa rin ang dusa ng dukha!

nariyan ang banta ng demolisyon!
o pagtaboy sa kanila, ebiksyon!

may kontraktwalisasyon sa obrero!
di nireregular ang mga ito!

presyo ng mga bilihin, kaytaas!
mas mahal pa sa sweldo ang sibuyas!

mahal at maruming enerhiya pa!
na sadyang pasakit naman sa masa!

dapat konsyumer ang pinakikinggan!
at di ang mga kupal at gahaman!

kalbaryo nila'y di matapos-tapos...
ang sistema'y ginawa silang kapos!

kaya palitan ang sistemang bulok!
at mga dukha'y ilagay sa tuktok!

upang itayo ang lipunang patas!
kung saan lahat ay pumaparehas!

- gregoriovbituinjr.
04.09.2023

Ang buwan

ANG BUWAN

madaling araw nang buwan ay masilayan
na sa pagkahimbing ay naalimpungatan
o ito'y ang Venus ng bunying kagandahan
na sa aking panaginip lang natagpuan

subalit siyang tunay, buwan ay naroon
kaygandang pagkabilog, ako'y napabangon
ramdam ko'y giniginaw, tila sinisipon
tulad ng pagligo sa dagat at umahon

sa pusikit na karimlan nga'y tumatanglaw
lalo sa maglalakbay ng madaling araw
sa mga magsasaka'y isang munting ilaw
na tutungo na sa bukid kahit maginaw

Buwan, Buwan, hulugan mo ako ng sundang!
kasabihan daw ng matatanda sa ilang
nawa mga bata'y makinig sa magulang
habang yaring tinig ay pumapailanlang

- gregoriovbituinjr.
04.09.2023