Huwebes, Oktubre 24, 2019

Build, Build, Build, o PagkaBULID sa dilim?

BUILD, BUILD, BUILD daw itong programa ng pamahalaan
bakit nangyari'y BULID, BULID, BULID sa karimlan
bakit kayrami nang pinaslang sa sawi kong bayan
bakit walang proseso o paglilitis lang naman

BUILD, BUILD, BUILD ngunit nangyayari'y BULID, BULID, BULID
kayrami na nilang sa karimlan ay ibinulid
habang tatawa-tawa lang ang mayayamang ganid
habang tumatangis ang mahihirap na kapatid

Kill, Kill, Kill muna, tapos ay BUILD, BUILD, BUILD ang programa
basta pinapaslang ang mahihirap na puntirya
nahan ang wastong proseso, due process sa biktima?
nahan ang tamang paglilitis, nahan ang hustisya?

ang buhay ng dukha'y paano ba nila mabi-BUILD
kung pulos tulay at kalsada ang laging bini-BUILD
dapat wakasan ang sa dilim biglang pagkaBULID
dapat PANLIPUNANG HUSTISYA'y kanilang MABATID!

- gregbituinjr.

Unawain ang mensahe sa karatula

dalawang bagay: naglagay doon ng paalala
dahil doon palaging nagtatapon ng basura...
o nang-aasar, pagkat kung saan may karatula
aba'y doon pa nilalagay ang basura nila!

mapapaisip ka minsan sa ganitong ugali
ang naglalagay ba ng basura'y tanga o hindi?
kung nasaan ang karatula'y nagtatapon lagi
o hindi raw sila marunong magbasa, kunyari

mga dayo ba sila sa bansa't di maunawa?
ang simpleng paalala't mga payak na salita
anong disiplina mayroon sila't utak biya?
at nagtapon sa harap ng karatulang ginawa

katawa-tawang pangyayari o nakakainis
di malaman kung magagalit ka o bubungisngis
mensahe sa karatula'y igalang nang luminis
ang lugar na iyon, nang basura'y agad mapalis

- gregbituinjr.

Kung langgam ang manggagawa, sino naman ang anay?

Magkaparehong itsura, magkaiba ng kulay
Ang isa'y kaysipag, ang isa'y mapanirang tunay
Kung langgam ang manggagawa, sino naman ang anay?
Ang kapitalista o ang eskirol ang kaaway?

Sa welga, may mga eskirol at may unyonista
Ang pamamalakad ba sa pabrika'y may hustisya?
Lulupigin daw ng eskirol ang mga nagwelga
Aklasang may itinayong piketlayn sa pabrika

Nagwelga ang manggagawa para sa katarungan
At karapatang pantao doon sa pagawaan
Nakikibaka upang welga'y mapagtagumpayan
Gutom man ang abutin sa welga'y tuloy ang laban

Anay na mapanira ba'y sadyang sa uri'y taksil?
Nanonood lang habang karapata'y kinikitil!
Anay na mapangwasak ay paano mapipigil?
Yamang anay na ito sa kapwa nila'y sumiil

- gregbituinjr.