Miyerkules, Enero 30, 2013

Salamat sa ACF!

SALAMAT SA ACF!
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

nakarating kami sa bayang Mae Sot sa Thailand
ng sampung araw at sa Burma'y isang oras lang
sa panahong sadyang di namin inaasahan
sapagkat wala sa plano sa kinabukasan

apat kaming mga Pinoy na nagtungo roon
ito'y dahil sa Active Citizenship Foundation
sa pag-isponsor ng lakbayin naming iyon
kung wala ang ACF, wala rin kami roon

ang Mae Sot ang bayan ng maraming nagsitakas
mula sa Burma dahil diktadurya'y kayrahas
at kayrami na roong aktibistang nautas
na yaong inadhika'y diktadurya'y magwakas

yaong galit sa dibdib ay mararamdaman mo
kaya hinangad nila'y totoong pagbabago
ang mga taga-Burma'y kaytatag ng prinsipyo
upang paglayang hangad ay makamtang totoo

nakita namin doon kung gaano kabigat
ng tungkulin at isyung dapat maisiwalat
kami doo'y natuto, sadya kaming namulat
sa ACF, maraming marami pong salamat

(Ako, kasama ang tatlo pa, ay namalagi ng sampung araw sa Mae Sot mula Setyembre 16 hanggang 25, 2012. Umalis kami ng Pilipinas ng Setyembre 15, 2012 at nakabalik sa bansa noong Setyembre 27, 2012. Naging kinatawan ang inyong lingkod ng grupong Free Burma Coalition-Philippines sa aming pagtungo roon. Inilathala ng Aklatang Obrero Publishing Collective ang isang 120-pahinang aklat na pinamagatang "Paglalakbay sa Mae Sot" na naglalaman ng 8 sanaysay at 88 tula noong Nobyembre 2012. Ang tulang ito'y hindi naihabol doon ngunit kailangan pa rin itong sulatin at ipaabot sa ACF ang taos-puso kong pasasalamat. Salamat din sa mga nakasama kong mga Pinoy doon na sina Jehhan Silva, Sigrid Jan Sibug at Raniel Carmona Ponteras, pagkat naging mabunga ang munti mang panahon ng aming pagsasama sa Mae Sot.)

Nagsinungaling ang Salamin


NAGSINUNGALING ANG SALAMIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

tanong ng dalaga, "Salamin, salamin
pinakamaganda'y sino ba sa amin?

alam ng salamin ang matandang kwento
na kinwento naman noong kanyang lolo

paano ba niya ito masasagot
upang ang dalaga'y di naman mapoot?

pagkat yaong kwento'y may matinding aral:
di dapat mainggit ang sinumang hangal

paanong ang hangal ay pangangaralan?
gayong hangal na nga't bagsak ang isipan

magkalabang mortal sa matandang kwento
ang prinsesa't bruhang sa ganda nga'y tukso

sa prinsesang iyon ang bruha'y nainggit
pagkat ang prinsesa'y tunay na marikit

bruha'y laging tanong, "Salamin, salamin
pinakamaganda'y sino ba sa amin?"

na sasagutin ng "Maganda'y prinsesa"
at totoo lamang ang tugon sa kanya

hanggang ang dalawa'y naglabang totoo
nagpingkian sila kung maganda'y sino

nalo ang prinsesang sadyang mahinahon
mapagkumbaba na'y kaybait pa niyon

sadyang nananaig kung anong mabuti
at sa huli bruha ang nanggalaiti

kaya sa modernong tanong ng dalaga
pinakamaganda'y sino sa kanila

upang walang away, para sa salamin
ito'y kailangan nang magsinungaling

"pinakamaganda sa mundo’y ikaw na”
tugon ng salaming nagbuntong-hininga

pinakamaganda kahit di totoo
dalaga'y sumaya, wala na ring gulo

isip ng salamin, "Wala nang awayan
nagsinungaling man, gulo'y naiwasan."

iyan ang modernong kwento ng salamin
iwas na sa gulo'y nagpasaya pa rin

Ang mga prinsesang api

ANG MGA PRINSESANG API
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

laging sinasagip ng isang prinsipe
ang kanyang prinsesang laging inaapi
sa kamay ng bruhang laging nanggugulpi
prinsesa'y kayganda, bruha'y pangit kasi

siya'y nakakulong sa may toreng garing
tulad ng kudyaping nalagot ang bagting
asam ng prinsesang tulong ay dumating
mailigtas siya ng kanyang Prince Charming

sa ganyan uminog ang maraming kwento
nang kabataan ko, at ngayon pa'y uso
tila di mamatay ang kwentong ganito
na pawang may aral sa bata sa mundo

sa kwento nga'y api ang mga prinsesa
sa modernong mundo, sila'y astang reyna
di sila maapi, lagi pang may gwardya
anumang iutos ay susundin sila

hanggang kwento lamang ang sila'y apihin
na ang hanap lagi'y kanilang Prince Charming
ngunit ang totoo, reyna kung ituring
di ba't sila'y bruha sa modernong tingin

o, prinsesang api sa kwentong pambayan
kaiba ang iyong uring pinanggalingan
sa totoong buhay, ikaw'y manlilinlang
ang masa'y luluhod sa iyong harapan