Miyerkules, Agosto 18, 2010

Ang Diwata Ko Sa Panaginip

ANG DIWATA KO SA PANAGINIP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

ikaw, diwata, ang nasa aking panaginip
lagi mo akong dinadalaw sa pagkaidlip
ako nga ba'y nasa iyong damdamin at isip
katugunan sa tanong ko'y di ko pa malirip

sino ka ba't nasaan ka, mahal kong diwata
kung panaginip ka lang, ako'y natutulala
ramdam kong pag ginising ako'y kinakawawa
pagkat nawawalay ka, ayaw kitang mawala

pag nasa panaginip kita, ako'y kayhimbing
pag nasa diwa kita, ayaw ko nang magising
pagkat sa kagandahan mo, ako'y nalalasing
nais kitang mayakap, diwata kong kaylambing

pag muling natulog, nais kitang makaniig
hahagkan kita't kukulungin sa aking bisig
sana'y maging totoo ka na't ako'y marinig
sa pagsamo't sa pagkabigo'y di palulupig