Linggo, Pebrero 20, 2022

Sa paghamok

SA PAGHAMOK

tahimik sa bawat pangungutya
ang mapagtiis na maglulupa
sa problema'y di na makahuma
anuman ang gawing paghahanda

nanunumbat ang sariling budhi
pag di tinama ang maling gawi
ah, ayaw na niyang manatili
ang kahirapang nakamumuhi

di pa nagagawa ang marapat
bagamat sa prinsipyo'y namulat
di makangiti, di makadilat
pag harap-harapang inaalat

magpapatuloy ang paghahamok
laban sa hunyango't trapong bugok
papalitan ang sistemang bulok
at ilagay ang dapat sa tuktok

ang bugtong ay malulutas pa rin
lalo't may talino ka ring angkin
na kabutihan ay panaigin
laban sa pang-aapi't salarin

- gregoriovbituinjr.
02.20.2022
World Day of Social Justice

02.20.2022

02.20.2022
World Day of Social Justice

mahalaga sa tao ang Hustisyang Panlipunan
lalo na't karapatang pantao'y niyuyurakan
di lamang sa biktima ang hangad na katarungan
kundi bawat pagpapasya'y dapat makatarungan

panawagan namin ngayong World Day of Social Justice
patuloy tayong makibaka, huwag magtitiis
sa kahirapang dinulot ng elitista't burgis
na mapagsamantalang sistema'y dapat mapalis

bakit may laksang dukha, bakit may ilang mayaman
lipunang ito'y para sa lahat, di sa iilan
sana lipunan ay makatao't makatarungan
iyan ay taas-kamao naming pinaglalaban

ang inaadhika ngayong World Day of Social Justice
ay makataong sistema, na di dapat Just-Tiis
ito ang sa puso't diwa ko'y prinsipyong malinis
panawagan itong sa madla sana'y magpabigkis

- gregoriovbituinjr. 

Sa kisame

SA KISAME

sa kisame napatitig
nang binti niya'y namitig
subalit di natigatig
sa paghuni ng kuliglig

madaling araw pa lamang
ngunit siya na'y nag-abang
ng pagputok ng liwanag
upang lihim ay mabunyag

ng naggapangang butiki
na naroong bumabati
sa makatang winawari
ang pangarap niya't mithi

tila di pa niya arok
sino kaya ang papatok
kung sa halalan kalahok
ang mga itlog na bugok

ah, tuloy lang sa layunin
kaya kumikilos pa rin
upang dalita'y hanguin
sa hirap na anong talim

di sasapat ang kataga
upang kathain ang tula
kahit tatlong metrong haba
ang kanyang pagkatulala

- gregoriovbituinjr.
02.20.2022