Miyerkules, Disyembre 31, 2025

Maramihan ng si: SILA o SINA?

MARAMIHAN NG SI: SILA O SINA?

tanong sa Labing-Apat Pababa:
ano raw ang "Maramihan ng si"?
ang lumabas na sagot ay SILA
imbes dapat na sagot ay SINA

tanong na iyon ay tinamaan
ang nasa Labingsiyam Pahalang
ang tanong ay Lakers sa N.B.A.
sagot ay Los Angeles o L.A.

ang isahan ng SILA ay SIYA
SI naman ang isahan ng SINA
kaya mali yaong katanungan
sa sinagutang palaisipan

sa maling tanong, kawawa tayo
tila ginagawa tayong bobo
parang ito'y di na iniedit
ng editor gayong merong sabit

- gregoriovbituinjr.
12.31.2025

* krosword mula sa pahayagang Pang-Masa, Disyembre 31, 2025, p.7

Ang kahalagahan ng tuldik

ANG KAHALAGAHAN NG TULDIK

talagang mahalaga ang gamit ng tuldik
na nilalagay sa ibabaw ng patinig
upang maunawà ang bigkas ng salitâ
at wastong kahuluga'y mabatid ding sadyâ

halimbawa sa nailathalang balità:
doble ang kahulugan ng "magkakaanak"
"magkakaának" kung sila'y magkamag-anak
"magkakaanák" kung buntis na ang kabiyak

pansinin mo ang tuldik na "á" sa salitâ
naroon ang diin ng bigkas ng katagâ
upang kahulugan ay agad maunawà
bagamat di nagamit doon sa balità

saan dapat itapat ang tuldik-pahilis
ay dapat batay sa bigkas at kahulugan
kaiba sa tuldik-paiwâ at pakupyâ
na nararapat lang nating maintindihan

- gregoriovbituinjr.
12.31.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Disyembre 23, 2025, p.2

Solo man sa bisperas ng Bagong Taon

SOLO MAN SA BISPERAS NG BAGONG TAON

di ko hinahanap ang kasiyahan
sa pagpalit ng taon, bakit naman?
buti kung sistema ang napalitan
natayo na'y makataong lipunan

sasalubungin ko ba ng paputok
ang Bagong Taong namumuno'y bulok
kung mga buwaya ang nakaluklok
kung mga buwitre ang nasa tuktok

aanhin ko ang maraming pagkain
kung simpleng buhay sapat na sa akin
buti pang may aklat na babasahin
kaysa daliri'y maputukan man din

Bagong Taon nga, kayrami pang buktot
na pondo ng bayan ang kinurakot
tumitindi ang sistemang baluktot
may pag-asa pa ba, nakalulungkot

sa Bagong Taon, patuloy ang laban
hangga't kaytindi ng galit ng bayan
sa mga trapong walang kabusugan
na buwis ng bayan ang sinasagpang

- gregoriovbituinjr.
12.31.2025