nangongolekta ng ikapu ang mga sambahan
habang nangangalap ng butaw ang mga samahan;
parehong ambag na salapi nitong kasapian
ngunit isa'y maunlad, isa'y naghihirap naman
ikapu sa bawat kasapi'y tungkulin at atas
pagkat ayon sa bibliya't ambag itong parehas;
ang butaw, tungkulin man at nasa saligang batas
ng samahan, di lahat ay nag-aambag ng patas
kaya mga sambahan ay talagang nagniningning
kaylalaki pa nito't masisilaw ka sa tingin;
tanggapan ng ilang samahan animo'y dukhain
kaya pananatili nito'y ilang taon lang din
sa ikapu'y kaluwalhatian ng kaluluwa
ang ipinangangaral sa mga kasapi nila;
sa butaw, ipinaglalaban ang bagong sistema
at kailangan ng matinding pag-oorganisa
sambahan ay nabubuhay sa ikapung abuloy
upang pangangaral nila sa masa'y magpatuloy;
nabubuhay ang samahan pag butaw ay dumaloy
upang samaha'y di magmukhang kawawa't palaboy
sa ikapu, ang kasapi'y talagang magbibigay
sa paniniwalang kaluwalhatian ang alay;
sa butaw, paniningil ay pahirapan pang tunay
tila di dama ang prinsipyo ng samahang taglay
kapwa ambag man ng kasapi ang ikapu't butaw
sa mga aral nito'y di tayo dapat maligaw;
mga kasapi'y dapat magtulungan ng malinaw
nang magamit ng maayos ang perang ibinitaw
- gregbituinjr.