Biyernes, Pebrero 26, 2021

Nawalan ng trabaho, pinalayas sa tirahan

Nawalan ng trabaho, pinalayas sa tirahan

O, kayraming manggagawang nawalan ng tirahan
sapagkat sila'y pinalayas sa inuupahan
dahil sa pandemya'y nagsara ang pinapasukan
nawalan na ng trabaho ang obrerong sahuran

nawalan ng pambayad sa kaserang negosyante
kaya pinalayas na sila't di na mapakali
tapos na ang pagtitig sa maagiw na kisame
at naging bubong na nila'y kalangitan sa gabi

kaysakit na pangyayari sa panahong pandemya
walang trabaho't nagsarahan ang mga pabrika
laksa ang apektado nang pandemya'y manalasa
kalunos-lunos na sitwasyong nagsadlak sa dusa

mga manggagawang ito'y dapat alalahanin
tagapalikha upang ekonomya'y payabungin
sa kalsada na tumira, sila'y pagkaisahin
upang malutas ang kaharap nilang suliranin

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa ika-35 anibersaryo ng People Power, 02.25.21

Dinggin ang sigaw ng mga manggagawa

Dinggin ang sigaw ng mga manggagawa

"Laganap na tanggalan sa trabaho, ipagbawal!"
at "Likhain ang industriyang akma sa new normal!"
dalawang panawagang ano't tila magkakambal
mensaheng sa kapitalista'y baka makagimbal

subalit iyan ang wastong panawagan, ang tama
sa panahon ang pandemya sa masa'y kumawawa
upang maiwasan ang sigwang nagdulot ng luha
habang panlipunang hustisya ang inaadhika

ito ang tugon nila sa kongkretong pagsusuri
sa sitwasyong ang kapitalismo'y kamuhi-muhi
makatarungang panawagan, prinsipyadong mithi
na dapat mapagtagumpayan, dapat ipagwagi

halina't makiisa sa hiling ng manggagawa
at samahan natin sila sa nagbabadyang sigwa

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa ika-35 anibersaryo ng People Power, 02.25.21

Ang talumpati

Ang talumpati

mahalagang ating narinig yaong talumpati
ng isang lider-masa, mensahe'y apoy, masidhi
mga datos at tindig na kanyang ibinahagi
ay tagos sa dibdib, katotohanang anong hapdi

pagkat kayrami nang sakripisyo ng mga dukha
sa pakikipaglaban upang hustisya'y mapala
subalit karapatan nila'y binabalewala
sitwasyon nila'y kalunos-lunos, kasumpa-sumpa

kailan matatamo ang ginhawang asam nila
kailan makakamtan ang panlipunang hustisya
naglalagablab ang talumpati ng lider nila
patuloy ang ningas ng apoy ng pakikibaka

marubdob na talumpating talagang tumatagos
upang mapagkaisa ang dukhang binubusabos
ng sistemang kapital, mapagsamantalang lubos
ah, bulok na sistema'y dapat tuluyang matapos

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa ika-35 anibersaryo ng People Power, 02.25.21

Panawagan nila'y "No To Jeepney Phaseout!"

Panawagan nila'y "No To Jeepney Phaseout!"

bakit walang habag ang mga kinauukulan
at babalewalain ang kanilang kagamitan
sa pagtatrabaho, paano na ang kabuhayan
kung tuluyang ipi-phase out ang kanilang sasakyan

tatak ng pagka-Pinoy ang mga dyip sa kalsada
isa nang klasikong kilalang-kilala ng masa
makasaysayan ang disenyo't lapat sa kultura
natatangi sa mundo't tinitingnang kakaiba

ipapalit daw sa kanila'y mga modernong dyip
modernisasyon daw ang sa gobyerno'y halukipkip
subalit mini-bus ang ipapalit sa mga dyip
buhay ng kanlang pamilya kaya'y masasagip

paano ang kabuhayan ng ating mga tsuper
ah, dinggin ang panawagan nila sa nasa poder
sigaw nila sa anibersaryo ng People Power
ay "No to jeepney phaseout! Yes to reform! Labor Power!"

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa ika-35 anibersaryo ng People Power, 02.25.21

Ang makatao nilang prinsipyo

Ang makatao nilang prinsipyo

nilabanan na nila ang anumang demolisyon
hanggang matanggap nila'y walang taong relokasyon
di makatao ang demolisyong naganap noon
at dinudugo sila sa mga bayarin ngayon

sa malayong sukal ay tila dagang pinerwisyo
kaya nabuo ang makatao nilang prinsipyo:
pabahay ay karapatan, pabahay ay serbisyo
huwag itong pagtubuan, huwag gawing negosyo

pilit nilang nilabanan ang pagsasamantala
ng mga burgis na elitista't kapitalista
na ang tingin sa maralita'y masakit sa mata
ng negosyo kaya tinataboy, etsa-puwera

panawagan nila sa plakard ay ating pakinggan
dahil may bahid ng dugo ng pakikipaglaban

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa ika-35 anibersaryo ng People Power, 02.25.21