Miyerkules, Setyembre 24, 2025

Kaming mga tibak na Spartan

KAMING MGA TIBAK NA SPARTAN

kami'y mga aktibistang Spartan
na apo ni Leonidas, palaban
tapat sa prinsipyo kahit masaktan
handang suungin kahit kamatayan
maipagtanggol lang ang sambayanan

nakikibaka kami araw-gabi
sa buhay man ay hirap, very busy
batid mang ang paglaban ay di easy
pinapatatag namin ang sarili
sistema'y inaaral nang mabuti

tutularan pa namin si Eurytus
di ang duwag na si Aristodemus
kaya nakikibaka kaming lubos
nang ginhawa'y kamtin ng masang kapos
at mawakasan ang pambubusabos

ng burgesya't tusong oligarkiya
ng mga kuhilang kapitalista
ng mga palamara't dinastiya
ng mga trapo't mapagsamantala
ng mga maygawa ng inhustisya

- gregoriovbituinjr.
09.24.2025

Pakikiisa sa sambayanan

PAKIKIISA SA SAMBAYANAN

naroon din ako sa Luneta
sa laban ng bayan nakiisa
laban sa mga katiwalian,
kagarapalan, at kabulukan

dapat nang palitan ang sistema
ng tusong trapo't oligarkiya
na serbisyo'y ginawang negosyo
na taumbayan ay niloloko

sigaw natin: sobra na, tama na!
baguhin ang bulok na sistema!
wakasan ang naghaharing uri!
lunurin na sila sa pusali!

ganyan ang galit ng sambayanan 
sa tuso't dinastiyang kawatan
hustisya ang ating minimithi
ngayon sana'y bayan ang magwagi

- gregoriovbituinjr.
09.24.2025

* kuha sa Luneta, 09.21.2025
* salamat sa kumuha ng litrato