Biyernes, Agosto 10, 2012

Kalikasan na ang nagtuturo



KALIKASAN NA ANG NAGTUTURO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

i

basura sa kanal
nagbarang imburnal
ah, karumal-dumal
may gawa ba'y hangal

kalunsura'y baha
basura'y malala
wala bang magawa
ang gobyerno't madla

umulan ang langit
binaha ang paslit
ito'y nauulit
kanino ka galit

ii

bagyo na naman, O, kay tulin ng araw
bagyong nagdaan, tila ba kung kaylan lang
ngayon ay bagyo, nagbaha sa lansangan
dahil sa bagyo, lubog ang kalunsuran

Ondoy, Pedring, bagyo na namang muli
ayaw na naming ito'y manatili
Sendong, Gener, Habagat ang nag-uli
kalikasan na'y nanggagalaiti

iii

naganap na mga pagbaha’y aral sa masa
kaya itapon ng tama ang mga basura
bulok at di nabubulok, paghiwalayin na
nabubulok ay pataba sa tanim at saka
di nabubulok ay ibenta't nang magkapera
matapos ang unos, may bahaghari’t pag-asa

Karanasan ng Dalawang Aklat


KARANASAN NG DALAWANG AKLAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

di ko inaasahan ang pagdatal ng baha
na dalawang sikat na aklat ay nangabasa
ngunit maingat ko pa ring pinatuyong kusa
ang mga librong diwa ng dalawang dakila

Ondoy, lubog sa baha ang Isang Dipang Langit
koleksyon ng tula ni Amado V. Hernandez
Habagat, lubog ang Jose Corazon de Jesus
mga tula ni Batuteng tinipon ni Rio

ngunit kaytagal bago pa natuyo ang una
habang pinatutuyo ko pa ang pangalawa
dalawang gintong koleksyon ng literatura
bahain man, diwa ng libro'y di mabubura

Parunggit ng Maghapon


PARUNGGIT NG MAGHAPON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

sadyang nakababagot ang umaga't tanghali
tiyaga-tiyaga lang, nagbabakasakali
na muling magdagsaan ang kanyang mga suki
sa kakaunting kita'y merong maiuuwi

maghapong nakaupo, nangangarap ng gising
mulat naman ang mata'y tila ba nahihimbing
sa pagtunga-tunganga, ang asa'y may darating
bagamat alam niyang munti ang kakalansing

maghapong nagninilay ang payapang tindera
habang nababagabag ang utak sa istorya
sari-sari ang kwento't maari nang nobela
kayraming namumuni'y ano kaya ang kwenta 

diwa'y pumapagaspas, bundok na'y sinusuyod
tila ba alapaap yaong tingin sa lungsod
nangalaglag ang tala, mga rosas ang ubod
kaytinding magparunggit ang tadhanang di lugod

ibinebenta’y bisyo, sa yosi na'y magumon
baga ma’y sunog basta’t may benta't malalamon
masakit na ang likod sa tungangang maghapon
ngunit may pambili na ng kanin kahit tutong

kakayod ng kakayod, mahirap pa rin naman
wala nang nangyayari't siklo ang kasalatan
habang may tindang yosi't kendi'y patuloy lamang
ang ganitong parunggit sa balikong lipunan

Larawan kuha ni Jhemsky San Pedro ng grupong Litratista sa Daan