HABANG LUMULUHA'Y LUMABAN KA
ni Matang Apoy
sonetong may 11 pantig bawat taludtod
(tugon sa tulang "Tahimik akong lumuluha" ng isang babaeng makata sa multiply)
tama lamang na ikaw ay lumuha
dahil ang bayan na'y ginagahasa
ng mga lingkod-bayan daw ng bansa
at mga kapitalistang kuhila
ngunit ang patak ng luha'y di sapat
pagkat dapat kumilos tayong lahat
lalo ngayong ang lipunan ay salat
yaman ay dinambong ng mga bundat
habang lumuluha ka'y lumaban ka
ipagtanggol mo ang bayan at masa
sa paglaban mo'y sasamahan kita
sasama kami sa pakikibaka
palayain ang bayang nagdurusa
pati ang malungkot mong kaluluwa