pinagbubutihan ko ang paggawa ng Taliba
ng Maralita't ito ang tanging naglalathala
ng aking kathang sanaysay, tula't iba pang akda
tanging dyaryong sinusulatan ko bilang makata
may Aklatang Obrerong naglalathala rin naman
ng mga tula ko sa aklat, aba'y kainaman
subalit bihira nang nagagawa pa ang ganyan
di tulad nitong Talibang talagang pahayagan
kinsenas at katapusan, dapat nalathala na
itong Taliba ng Maralita upang mabasa
ng madla ang mga nilalaman nito tuwina
balita, paninindigan, komiks, isyu't problema
Taliba ng Maralita'y dyaryo ng masa, ninyo
kaya suportahan natin ang pahayagang ito
ito lang ang tangi kong pinagsusulatang dyaryo
kung dito na ako mamamatay, payag na ako
- gregbituinjr.
* Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isang pambansang organisasyon ng mga maralita sa kalunsuran.