PAMINSAN-MINSANG PITIK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
anila, ako raw ay madalas tahimik
ngunit napakadaldal ng aking panitik
sa araw at gabi'y haraya ang katalik
anong nasa ulo'y sa papel isisiksik
mapagmahal nga ba ang mga manunulat
sa akda niya, ang dalaga'y namumulat
manunulat kung torpe'y di nakagugulat
sa diyosang dilag niya'y di nga umangat
tila sibuyas na lumuluha ang akda
gumanda sa salabat ang tinig ng katha
bawang na panakot sa aswang ang nilikha
kamatis ang damdaming walang napapala
tahimik lang sa tabi, subalit kay-ingay
nagsasalimbayan nga yaong naninilay
sinusuri ang lipunan at pamumuhay
nababagabag ang loob, di mapalagay
anila, ako raw ay madalas tahimik
napakadaldal naman ng aking panitik
kinakatha'y tulad ng luyang dinidikdik
nang mapiga ang katas, akda'y may tilamsik