Huwebes, Hunyo 3, 2021

Ang makatawag-pansing kasabihan sa dyip

ANG MAKATAWAG-PANSING KASABIHAN SA DYIP

naroon sa likod ng drayber ng dyip na nasakyan
ay may nabasa na namang nakita kong may laman
sinabi'y "Ang umiwas sa away ay karangalan
mangmang ang palaaway" sinabing kasunod naman

aba'y tumpak, karangalan ang umiwas sa kaaway
ngunit napukaw ako sa "mangmang ang palaaway"
tila ba nakaisip nito'y talagang mahusay
o kaya'y patutsada sa nang-aaway na tunay

pinag-isipang mabuti ang kasabihang ito
paano akong may ipinaglalabang prinsipyo
kahinahunan, di galit, ang dapat gawing wasto
sa bawat problema'y maging mahinahong totoo

ah, iyon nga ang susi sa kapayapaang asam
maging mahinahon kung anuman ang pagkukulang
makipagkapwa-tao't karapatan ay igalang
problema'y isiping may katapat na kalutasan

makabagbag-damdamin ang nasabing karatula
huwag daanin sa away ang anumang problema
lalo't dapat umiral ay panlipunang hustisya
salamat po sa nagsulat sa kanyang paalala

- gregoriovbituinjr.
06.03.2021

* litratong kuha ng makatang gala sa isang dyip niyang nasakyan

Magpatuloy lang

pinagtatawanan ako ng mga pinagpala
pagminuto ko ng pulong ay baka raw patula
ngunit alam kong biro iyon, di minamasama
lalo't lagi naman akong nakatapak sa lupa

basta't aking pinagbubutihin ang bawat gawain
gaano man kabigat bawat atang na tungkulin
sige, magtawa sila, di ko naman pinapansin
basta't ginagawa'y wasto, huwag mamasamain

ganyan lang yata talaga ang buhay ng makata
pasensya kung palabiro ang mga pinagpala
buhay kasi ng makata'y singhirap lang ng daga
na kung di kakayod aba'y lagi nang walang-wala

sige lang, sila naman ay pinagpalang totoo
na pag pumalag ka, aba'y babalikan lang ako
kaya mabuting maging mahinahon, pasensyoso
para walang sakitan ng loob dito sa mundo

maging malikhain ngang sadya, likha lang ng likha
unang nobela'y sinimulan, akda lang ng akda
may adhikain man sa bayan, katha lang ng katha
sa kabila ng naranasan, tula lang ng tula

- gregoriovbituinjr.

Gaano man kalayo

gaano man kalayo ang sinisintang kaniig
ay malapit pa rin pag komunikasyon ay ibig
kaya pangungulila'y di kami kayang malupig
di kayang paghiwalayin ng anumang ligalig

kina Alwina't Aguiluz ay sinong manlulupig?
kina Malakas at Maganda'y sinong mang-uusig?
kina Ibarro't Amihan, sinong makadadaig?
kina Goryo at Libay ay sinong manliligalig?

hangga't iwing mga puso'y patuloy sa pagpintig
anumang lumbay at pagkasawi'y di mananaig
may karamdaman man at patuloy sa panginginig
di magagapi ang dalawang pusong umiibig

dalawang pusong mainit sa gabing anong lamig
dalawang diwang patuloy na nagkakapitbisig
dalawang magkasuyong nagkakaniig sa banig
dalawang sintang may prinsipyo't kapwa tumitindig

pag-uusap ng dalawang puso'y iyo bang dinig?
nakikita mo ba silang parehong kinikilig?
o nadarama mo sa saknong ang bawat pagpintig?
habang sa bawat taludtod, binibilang ang pantig

- gregoriovbituinjr.