Huwebes, Hunyo 1, 2023

Sa taas ng alapaap (Sa eroplano, Bidyo 4)

SA TAAS NG ALAPAAP
(SA EROPLANO, BIDYO 4)

akala mo'y agila akong kaytayog ng lipad
o di kaya'y si Bathalang mataas pa sa ulap
o si Aladin na nasa karpet na lumilipad
tanaw ang musa't diwatang naroon nakabungad

pagkat ibabaw ng alapaap ay naabot din
ng tanaw, nakamit din ang malaon nang mithiin
tila baga panaginip sa kaytagal kong himbing
nasa taas man ay wala pa rin sa toreng garing

pagkat paa ng makata'y nanatili sa lupa
na buong pakumbabang sinasamahan ang dukha
inaabot man ang langit ng asam na ginhawa
sugat ay nagpapatuloy pa ring nananariwa

kaya di tayo titigil sa ating pagsisikap
na abutin ang langit ng ating mga pangarap
upang kamtin ang ginhawa't makaahon sa hirap
upang tunay na pag-unlad ay kamtin nating ganap

- gregoriovbituinjr.
06.01.2023

* ang bidyo ay kuha ng makatang gala sa Mactan airport tungong NAIA, 05.31.2023

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/l6V6uloEyU/

Kanya-kanyang kain ang inahin at mga kuting

KANYA-KANYANG KAIN ANG INAHIN AT MGA KUTING

nang mapakain sila'y magtatanghaling tapat na
natira ko sa tilapya'y pinagsaluhan nila
buong ulo, gilid, tinik, hasang, pati bituka
pagkakuha ng kanilang parte'y nagkanya-kanya

pansin ko iyon, kanya-kanya, at di sabay-sabay
ang makuhang parte'y siya lang ang kakaing tunay
dapat kong hati-hatiin nang sila'y mapalagay
dahil pag hindi, isa lang yaong makakatangay

di sila gaya ng tao na magsasalo-salo
pusa't kuting niya'y nagkakanya-kanyang totoo
pag nakuha ang parte'y lalayo ang mga ito
ayaw magutom, pagkaing nakuha'y itatakbo

nakahanda na ang kuko pag sila'y aagawan
di hating kapatid, nakuha ng isa'y kanya lang
ganyan ang napansin kong kanilang kaugalian
hatiin agad ang pagkain nang walang awayan

- gregoriovbituinjr.
06.01.2023

* mapapanood ang bidyo sa: https://fb.watch/l2i2JQtIr8/

Pagmamasid sa karagatan (Sa eroplano, Bidyo 3)

PAGMAMASID SA KARAGATAN
(SA EROPLANO, BIDYO 3)

tanaw ko ang karagatan habang nasa itaas
tila kapara nami'y lawin sa kanyang pagmalas
"dadagit ako ng isda", sa lawin ay bulalas
tila si Icarus kaming sa piita'y tumakas

mga isla'y tila ba mumunting tipak ng bato
na sa alamat, higante'y talon doon at dito
bansa ba'y ilang isla't di mabilang ang numero
kung masdan ang mga ito mula sa eroplano

tigib ng lumbay at galak ang namahay sa dibdib
pauwi mula pagtitipon sa malayong liblib
na animo'y nagsipaglungga sa malaking yungib
ng mga isyung sa sambayanan naninibasib

at tinanaw kong muli ang dagat ng alaala
tunay na may pag-asa sa bawat pakikibaka
mamatay man kami'y tiyak mayroong mag-aalsa
hangga't di pa nababago ang bulok na sistema

sa malalim na laot makata'y nakatulala
mababaw man ang pagninilay ay nakatutula
ang lawin kaya'y may nadagit nang pagkaing isda
ah, anong sarap pagmasdan ng dagat sa ibaba

- gregoriovbituinjr.
06.01.2023

* ang bidyo ay kuha ng makatang gala sa Mactan airport tungong NAIA, 05.31.2023

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/l2f7mQyVg7/

Pagtulog sa ilalim ng traysikel

PAGTULOG SA ILALIM NG TRAYSIKEL

umaga, nakita kong tulog pa ang mga kuting
sa ilalim ng nakaparadang traysikel, himbing
may dala akong pagkain, di ko muna ginising
pag ngiyaw nila'y narinig, saka pakakainin

para bagang sila'y maralitang walang tahanan
noong una'y binigyan ko ng basahang tulugan
subalit kung saan matulog ang ina'y susundan
ah, nanay iyon, kaya sila'y nauunawaan

may ginawa akong tulugan sa bakuran noon
subalit di sila nasanay na gamitin iyon
pag nagising kasi sila'y nililinis ko roon
dahil tae't ihi nga nila'y nangangamoy doon

gayunpaman, may sarili din naman silang buhay
bahala na ang nanay magtaguyod at gumabay
tiyak sa anak, ang inahing pusa'y di sasablay
mahalaga'y di naman nagpapabaya ang nanay

- gregoriovbituinjr.
06.01.2023