Miyerkules, Hulyo 3, 2024

Hinagpis ng masa

HINAGPIS NG MASA

madalas, ang masa'y naghihinagpis
sa maraming problemang tinitiis
bahay ng maralita'y inaalis
buhay ng manggagawa'y tinitiris

paghihinagpis ba'y palaisipan
dukha'y laksa't mayaman ay iilan
kayraming hirap at pinahirapan
ng sistemang tadtad sa kabulukan

ang malupit at mapagsamantala
ay dapat lamang talunin ng masa
lalo't elitista't kapitalista
ang yumuyurak sa dignidad nila

ah, di tayo dapat maghinanakit
sa mga trapo't burgesyang kaylupit
sa masa, halinang magmalasakit
upang karapatan nila'y igiit

halina't magpatuloy sa pagkilos
at maghanda sa pakikipagtuos
sa mga sakim at mapambusabos
upang sistemang bulok na'y matapos

- gregoriovbituinjr.
07.03.2024

Sapaw na okra

SAPAW NA OKRA

payak na pananghalian
sapaw na okra na naman
ay, mura lang kasi iyan
sangtali'y sampung piso lang

kamatis na paborito
ay nagmahal na ang presyo
bente ang tatlong piraso
higit sandaan ang kilo

kaya ngayon, okra muna
gulay itong mahalaga
mayroon nang bitamina
ay sadyang pampalusog pa

pangkontrol ng diabetes
at sa asukal na labis
panlaban din sa heart disease
pampaganda rin ng kutis

ganado akong kumain
pag ito ang uulamin
isapaw lang sa sinaing
hanggang mainin ang kanin

- gregoriovbituinjr.
07.03.2024

Pinaghalawan ng ilang datos: