Huwebes, Oktubre 16, 2025

Panagutin ang mga balakyot!

PANAGUTIN ANG MGA BALAKYOT

ikulong lahat ng mga sangkot
sa flood control na mga kurakot
panagutin lahat ng balakyot
na kaban ng bayan ang hinuthot

bayan na ang kanilang nilinlang
silang mga tuso't mapanlamang
mga lingkod bayang salanggapang
na kaban ng bayan ang nilapang

mga sakim sila't walang pusò
basta bulsa lang nila'y tumubò
kapara nila'y mga hunyangò
na dulot sa bayan ay siphayò

ginawa nila'y kahiya-hiya
kayâ mundo tayo'y kinukutyâ
dapat talaga silang mawalâ 
sa poder, ibagsak na ng madlâ

- gregoriovbituinjr.
10.16.2025

* litrato kuha sa Luneta, Maynila, Setyembre 21,2025

Kumilos ka

KUMILOS KA

umiyak ka
magalit ka
at kung di ka
kumikilos
eh, ano ka?

dinastiya
at burgesya
trapong imbi
namburiki
ng salapi

mula kaban
nitong bayan
silang mga
manlilinlang
at kawatan

kaya pulos
sila korap
humahangos
pag panggastos
at panustos

ang usapin
nais nilang 
bayan natin
ay korapin
at linlangin

makibaka
kumilos ka
baguhin na
iyang bulok
na sistema

- gregoriovbituinjr.
10.16.2025

* litrato kuha sa Mendiola, Maynila, Oktubre 2, 2025

Wakasan na ang oligarkiya!

WAKASAN NA ANG OLIGARKIYA!

pusò ng oligarkiya'y talagang halang
pati kakainin ng dukha'y sinasagpang
sa buwis nga ng bayan sila'y nakaabang
ugali nila'y mapanlinlang, mapanlamang

katulad din nila ang mga dinastiya
na ginawa nang negosyo ang pulitika
iisang apelyido, iisang pamilya
sila lang daw ang magaling sa bayan nila

tingni, kung ikaw sa bansa nakasubaybay
oligarkiya't dinastiya'y mga anay
silang ang  bayan natin ay niluray-luray
kaban ng bayan ang ninakaw at nilustay

huwag na tayong maging pipi, bingi't bulag
sa kanilang yamang di maipaliwanag
wakasan na ang kanilang pamamayagpag
sa pagkaganid nila'y dapat nang pumalag

- gregoriovbituinjr.
10.16.2025

* litrato kuha sa Luneta, Maynila, Setyembre 21, 2025