Lunes, Oktubre 4, 2021

Saging, mansanas at lemon

SAGING, MANSANAS AT LEMON

saging, mansanas at lemon
pampalakas, pampalusog
meryenda kaninang hapon
na sadyang nakabubusog

ito lamang ang kainin
kahit iulam sa kanin
aba'y anong sarap na rin
sulit na sulit ang kain

sa saging ay nakatatlo
at nabusog ngang totoo
lalo't may potasyum ito
na sadyang kailangan ko

pampalusog ang mansanas
sa doktor nakakaiwas
sisigla ka na't lalakas
sa sakit, magandang lunas

lemon naman ay hatiin
at sa baso mo'y pigain
lagyan ng tubig, haluin
pampalakas pag inumin

mga meryendang nalasap
ng makatang nangangarap
tara, tikmang may paglingap
mabubusog ka ring ganap

- gregoriovbituinjr.
10.04.2021

Kung bobo...'to

KUNG BOBO...'TO

may mga mahilig gumamit ng pwersa
pagkat tingin, makapangyarihan sila
na ang katwiran ay katwiran ng pera
tauhan ay susubuan lang ng kwarta
ganyan katindi ang kanilang sistema

tulad din ng trapo kapag may halalan
tumakbo dahil mayroong kayamanan
masang gutom ay kanilang babayaran
iboto lang sila sa kapangyarihan
pobre'y papayag na lang sa limangdaan

bobo ba kung tinanggap nila ang pera
at inihalal ang nagbigay ng kwarta
ah, basta may bigas para sa pamilya!
kung boboto, ihalal ma'y walang pera
subalit iyon ang nais ng konsensya!

ano ba ang limang daang pisong iyon
kung sa isang araw, sila'y nakaahon
kaysa nga naman sa utang ay mabaon
muli mang makawawa ng tatlong taon
pinagpalit ma'y kinabukasan doon

maging matalino sana sa pagboto
subalit anong klase ang iboboto?
katanungang dapat saguting totoo
bansa ba'y patakbuhing parang negosyo?
o pagsisilbihang totoo ang tao?

subukang iboto yaong maglulupa
kauri ng magsasaka't manggagawa
di basta sikat na artista't kuhila
kundi prinsipyo'y panig sa kapwa't dukha
sadyang tunay na magsisilbi sa madla

- gregoriovbituinjr.
10.04.2021

litrato mula sa google

Paggaling

PAGGALING

nagkatrangkaso si misis ng nakaraang gabi
kaya di ako nakatulog at di napakali
bumangon siya't uminom ng gamot, alas dose
nang mag-umaga, kalagayan na niya'y umigi

mabuti naman at humupa na ang kanyang lagnat
siya'y sumigla, ako nama'y natulog sa puyat
pag siya'y nagkasakit ay gagawin ko ang lahat
at kung siya'y gumaling, taospusong pasalamat

siya ang nag-alaga noong ako'y nagkasakit
ako ang mag-aalaga ngayong siya'y maysakit
ganyan ang tulungan, bawat isa'y magmalasakit
upang malutas ang anumang problema't pasakit

ang pagkakasakit niya'y tila isang bangungot
sa kanyang paggaling, laking saya ang idinulot
tila baga tinik sa lalamunan ko'y nabunot
mabuti na lang at maraming nakatagong gamot

ngayon, maaga akong gumising upang magsaing
di siya dapat mapagod kahit nagpapagaling
din ako sa tumamang covid na nakakapraning
buti, lagnat niya'y nawala, siya na'y magaling

- gregoriovbituinjr.
10.04.2021

* litrato kuha sa labas ng bahay habang nagpapainit sa araw at matapos mag-ehersisyo