Sabado, Abril 24, 2021

Pag-alala sa Cordillera Day

pinaslang si Macliing Dulag ng mga sundalo
dahil planong Chico Dam ay ipinrotesta nito
at mawawalan sila ng tahanan dahil dito
kanilang lupang ninuno'y masisirang totoo

petsang Abril bente kwatro nang siya ay pinaslang
ng mga kawal ng gobyerno, mga pusong halang
petsang ginawang Cordillera Day ng mamamayan
at ginugunita taun-taon ng sambayanan

dalawa ang Cordillera Day, isa'y Hulyo Kinse
kasunduang Cory Aquino't Padre Balweg dine
subalit ngayong Cordillera Day ay nagsisilbi
bilang paalala kay Macliing bilang bayani

pagpupugay sa Cordillera Day, kami ni misis
ay kapwa inaalala ito ng walang mintis

- gregoriovbituinjr.
04.24.2021

* Pinaghalawan:
https://newsinfo.inquirer.net/395097/what-went-before-cordillera-day
https://newsinfo.inquirer.net/1110387/indigenous-people-celebrate-cordillera-day-with-street-protest

May community pantry na rin si Gabby Garcia


MAY COMMUNITY PANTRY NA RIN SI GABBY GARCIA

talaga ngang inspirasyon ang community pantry
kaya nagsulputan ang mga ito't dumarami
nagtayo na rin ng community pantry si Gabbi
Garcia na nais tumulong, sa kapwa'y magsilbi

sinabi nga niya sa panayam sa telebisyon
nagsulputang community pantry ay inspirasyon
kaya nagtayo rin siya nito't nais tumulong
kaygandang adhika para sa masang nagugutom

lalo na ngayong may pandemya't kulang ang ayuda
nagbibigayan at nagdadamayan na ang masa
tunay na bayanihan ay kanilang pinakita
ang bayanihang ito sa mundo na'y nababasa

at sa iyo, Gabbi Garcia, maraming salamat
sa panahong may pandemya, tumulong ka ring sukat
sa kabutihan mo, sana'y marami pang mamulat
Oh, Gabbi Garcia, taospusong pasasalamat

- gregoriovbituinjr.

Pagpupugay sa mga naglilingkod sa pantry

sa nagtatayo ng kanilang community pantry
pagpupugay, mabuhay kayo't kayraming sumali
at nagboluntaryo upang sa kapwa nga'y magsilbi
nakipagbayanihan, nakipagkapwa, bayani

aba'y imbes na i-redtag ay nakisawsaw na rin
ang mga pulitikong karamihan ay balimbing
na nilagay pa ang pangalan nila sa tarpolin
pati kapulisang dapat nakatutok sa krimen

pag inaral mo ang kasaysayan ng himagsikan
o ang natayong mga mapagpalayang kilusan
sa ayaw mo man o gusto, marami'y katugunan
ng masa sa kainutilan ng pamahalaan

maraming halimbawa nito'y ating makikita
tao'y hindi pumipikit at laging umaasa
sa ayuda't limos, kundi nag-iinisyatiba
upang mapunan yaong kakulangan ng sistema

tugon sa kainutilan kundi man sa kabulukan
ng lideratong nagpauso ng mga patayan
kaya di maikakaila ang pagsusulputan
ng community pantry na tugon sa kagutuman

espontanyo't batid ng masa ang halaga nito
kaya pinili nilang maglingkod sa kapwa tao
inisyatibang ito'y di matanggap ng gobyerno
dahil nasapawan ang palpak nilang liderato

sa mga nagsimula nito, maraming salamat
tinugunan ang kapalpakan, at kami'y namulat
na magbayanihan pala'y magagawa ng lahat
ng walang panibugho kundi maglingkod ng tapat

- gregoriovbituinjr.

Kung mga community pantry ay nire-redtag na

kung mga community pantry ay nire-redtag na
komunista daw, mabuti pala ang komunista
bayanihan at damayan yaong prinsipyo nila
kung ganyan nga, kayganda palang maging komunista

ika nga nila, magbigay ayon sa kakayahan
dagdag pa, kumuha ayon sa pangangailangan 
kung community pantry'y ganyan ang paninindigan
mabuti palang maging komunista kapag ganyan

sinabi nga noon ni Obispo Hélder Câmara
"When I give food to the poor, they call me a saint. 
When I ask why they are poor, they call me a communist."
mabuting gawa'y santa, pag nagtanong, komunista

kailangan nating tumindig habang iba'y takot
ipaglaban ang makatwiran laban sa baluktot
labanan ang pangre-redtag ng mga utak-buktot
kailangan nating makibaka, huwag matakot

nagsama-sama nang magtulungan ang mga tao
dahil sa mga hindi magampanan ng gobyeno
itinuturo sa atin ng karanasang ito
ang halaga ng pakikipagdadamayang totoo

bayanihan ang ipinakita ng community
pantry dahil nagtutulungan ang masang kayrami
kung tinawag akong komunista dahil sa pantry
sige, komunista na akong sa kapwa'y nagsilbi

- gregoriovbituinjr.