Lunes, Nobyembre 28, 2022

Imbestigahan ang sabwatan

IMBESTIGAHAN ANG SABWATAN

doon sa tanggapan ng Kagawaran ng Paggawa
ay nagsikilos ang mga babaeng manggagawa
imbestigahan ang sabwatan ng mga kuhila
kaya nagsara ang pabrikang pinasukang sadya

huwad na pagsasara'y isyu nila't panawagan
upang ang may kagagawan niyon ay matalupan
upang sila nama'y bayaran o ibalik naman
upang hibik nilang hustisya'y kanilang makamtan

hibik ng manggagawa sana'y dinggin mo, O, DOLE 
maging patas sa desisyon, at talagang magsilbi
sa mga maliliit, sa manggagawang inapi
at di sa mga kuhila't dupang na negosyante

taasnoong pagpupugay sa mga nagsikilos
na babaeng obrerong ayaw sa pambubusabos
ng sistemang sa kabulukan ay talagang puspos
tuloy ang laban! nawa'y magtagumpay kayong lubos!

- gregoriovbituinjr.
11.28.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa 
harap ng DOLE sa Intramuros, Maynila, 11.21.2022

Kalusugan at Kalikasan

KALUSUGAN AT KALIKASAN

i.

sa isang kaha ng sigarilyo
ay nakasulat: Kanser sa suso
sanhi raw ng pagyoyosi ito

tingni, mayroon pang "quit smoking"
sa pabalat na payo sa atin
ng mismong nagma-manufacturing?

ang gumagawa nga ba ng yosi
sa kalusugan nati'y may paki?
kung meron, di sila mabibili

kaya sa pabalat ay di akma
ang inilagay nilang salita
pagkat di na bibilhin ang gawa

ii.

ang pagyoyosi'y sariling pasya
kahit na makaltasan ang bulsa
kaya ba hayaan na lang sila?

huwag ka lang dumikit sa usok
ng yosi at dapat mong maarok
may epekto ang secondhand smoke

paki ko'y hinggil sa kalikasan
upos ba'y saan pagtatapunan
na sa dagat ay naglulutangan

kung nararapat, gawing yosibrik
na tulad ng sistemang ekobrik
iligtas ang mundo yaring hibik

- gregoriovbituinjr.
11.27.2022

Disenyo

DISENYO

nang gumapang sa lusak
ang mga hinahamak
may dugong nagsipatak
at ang nana'y nagnaknak

sa gubat na mapanglaw
tila ba may gumalaw
mula sa balintataw
ang nakita'y halimaw

subalit malikmata
ang lahat kong nakita
isip ay nagambala
yaring puso'y nangamba

kailan matatapos?
yaong pambubusabos?
pag masa ba'y kumilos?
nang bayan ay matubos?

sistema'y may disenyo
tulad ng arkitekto
kapara'y inhinyero
nasa ko'y pagbabago

ang disenyo'y baguhin
ang kwadrado'y bilugin
ang masa'y pakilusin
ang sistema'y kalusin

- gregoriovbituinjr.
11.27.2022