FDC Pasyon 2018
ni Greg Bituin Jr.
Freedom from Debt Coalition
kasangga ng masa't nasyon
kayganda ng nilalayon
sadyang matatag ang misyon
sa lungsod man at sa nayon
misyon nilang ipagtanggol
ang bayan sa mga pulpol
lalo't namumuno'y ulol
kayraming dukhang nilipol
kinapos nga ang ataul
laksa ang isyung dumatal
na sadyang nakangangatal:
namaslang ang mga hangal
nambaboy ng mga dangal
pangulo'y samâ ng asal
buhay na kalunos-lunos
pagkat dukha'y laging kapos
masa'y di na makaraos
sa bayang naghihikahos
babae pa'y binabastos
ang pangulong mapanlinlang
karapatan di ginalang
pananalita'y maanghang
sa babae'y walang galang
Digong pala'y isang hunghang
pinauso ang pagpatay
ang pagkatao'y niluray
umiyak ang mga nanay
nang anak ay naging bangkay
wala sa korte'y binitay
dukha'y ipis kung turingan
gayong kapwa tao naman
tila ba pamahalaan
animo'y nabubulunan
sa usaping karapatan
walang galang sa proseso
patay doon, patay dito
pag kaharap ang negosyo
bahag na ang buntot nito
di na matanggal ang endo
kontraktwalisasyon, salot
kasalut-salutan, salot
ngunit pangulo'y bantulot
pagkat bumahag ang buntot
at sa negosyo'y natakot
sabi ng pangulong tuso
tatanggalin daw ang endo
di magawa ang E.O.
kaytapang naging maamo
bahag-buntot sa negosyo
sa TRAIN masa'y nagtitiis
pagkat nagtaas ang buwis
negosyo'y bumubungisngis
habang masa'y tinitiris
sa kanyang sariling pawis
kuryente nga'y nagtaas na
pinakamahal sa Asya
tubig nga'y nagmamahal pa
laksa-laksang pagdurusa
ang dulot ng TRAIN sa masa
ang bigas na'y nagmamahal
dagdag buwis sa asukal
dagdag presyo sa kalakal
ang tao pa ba'y tatagal
sa sistemang sumasakal
isyu pang dapat tumutok:
kayraming batang lumahok
sa iwas-kagat ng lamok
ngunit namatay sa turok
at sa dengvaxia'y nalugmok
bakuna'y lagim ang dulot
mga nanay na'y natakot
pangkalusugang hilakbot
sinong dito'y mananagot
dating pangulo ba'y sangkot
sa TRAIN, alta-presyon ka na
tokhang, patay kang bata ka
may kontraktwalisasyon pa
dagdag pa iyang dengvaxia
isyung nakamamatay na
kaya sigaw namin ngayon
tara't tayo'y magsibangon
harapin ang bagong hamon:
Freedom from Debt Coalition
ipagpatuloy ang misyon
O, babae't aktibista
mga estudyante't masa
manggagawa't magsasaka
panahon nang magkaisa
at baguhin ang sistema!