Linggo, Hulyo 27, 2025

Ang misyon

ANG MISYON

mabigat ang misyon ng mga tibak na Spartan
buhay na'y inalay upang baguhin ang lipunan
nang kamtin ng bayan ang asam na kaginhawahan
at pagkakapantay, walang dukha, walang mayaman

hindi sila rebelde, kundi rebolusyonaryo
di man naapi, sa api'y nakiisang totoo
pinag-aralan ang lipunan, kalakaran nito
primitibo komunal, alipin, piyudalismo

ang kapitalismo sa kasalukuyang panahon
ay bulok na sistemang dapat nang kalusin ngayon
pangarap ay pantay na lipunan anuman iyon
magpakatao, walang pagsasamantala roon

ngunit niyakap nilang misyon ay di imposible
kung sama-sama ang mga manggagawa, pesante
maralita, vendor, kabataan, bata, babae
lalo na't nagkakaisang diwa, kilos, diskarte

mabigat ang misyon pagkat para sa santinakpan
na pinag-aalsa ang pinagsasamantalahan
niyayakag itayo ang makataong lipunan
para sa bukas ng salinlahi't sandaigdigan

- gregoriovbituinjr.
07.27.2025

Ilagay sa loob ng basurahan

ILAGAY SA LOOB NG BASURAHAN

pakiusap na iyon ay wasto lang
ilagay sa loob ng basurahan
iyang kalat mo, huwag ipatong lang
doon sa ibabaw ng basurahan

sa basura mo'y nandidiri ka ba?
kaya di maipasok ang basura
sa loob, gayong merong espasyo pa
sa sariling basura'y nasusuka?

dinggin mo lang ang simpleng pakiusap
batid kong kaydali nitong magagap
pagkat paraan ito ng paglingap
nang kalinisan ay ating malasap

huwag ipatong sa labas, ang pakay
baka langaw ay mamugad nang tunay
narito, kinatha kong tula'y tulay
nang basura mo'y sa wasto ilagay

- gregoriovbituinjr.
07.27.2025

* litratong kuha sa loob ng isang gusali 

Kapraningan sa gitna ng kalasingan

KAPRANINGAN SA GITNA NG KALASINGAN

ay, mahirap kainuman
itong may mental health problem
na ating nabalitaan
sadyang karima-rimarim

kainuman lang kanina
yaong sa kanya'y pumaslang
pakikitungong maganda
asal pala'y mapanlinlang

may Mental Health Act na tayo
nakakatulong bang sadya
bakit nangyari'y ganito
talagang kasumpa-sumpa

sa bidyo mismo ng suspek
di raw niya sinasadya
tila siya may pilantik
at alamat daw ng Wawa

anong naitulong ng Act
upang pigilan ang ganyan
alak, utak, napahamak
bakit sila nagkaganyan

- gregoriovbituinjr.
07.27.2025

* ulat mula sa pahayagang Tempo, Hulyo 26, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

* Republic Act 11036 (Mental Health Act) - An Act Establishing a National Mental Health Policy for the Purpose of Enhancing the Delivery of Integrated Mental Health Services, Promoting and Protecting the Rights of Persons Utilizing Psychosocial Health Services