Linggo, Oktubre 3, 2021

Nagbulalo muli

NAGBULALO MULI

di pa ubos ang bulalo ng nakaraang gabi
na sa kaarawan ko'y handog, walang pagsisisi
bagamat vegetarian, ano pa  bang masasabi
lalo't sa pagkakasakit ko'y tanging piping saksi

ako nga'y nagulat sa komento ng kasamahan
dahil nag-vegetarian ay nanghina ang katawan
marahil nga, marahil hindi, ngunit di ko alam
biro ko sa sarili, bulalo ang kasagutan

dahil baka katawan ko'y kulang na sa protina
at kailangan nito'y mineral at bitamina
bulalo pala'y may mga benepisyong talaga
pampatibay ng buto, panlaban sa leukemia

panlaban din sa diabetes, boosting immune system
panlaban sa kanser, improve cardiovascular system
panlaban sa osteoporosis, nang makatikim
ng bulalo, pagpapalakas ko'y naging taimtim

tunay ngang dapat pasiglahin ang ating katawan
kumain ng isda, prutas, gulay, mag-vegetarian
ngunit magbulalo pa rin kahit paminsan-minsan
salamat, bulalo, sa tulong mo sa kalusugan

- gregoriovbituinjr.
10.03.2021

Pinaghalawan ng ilang datos:
http://ph.news.yahoo.com/bulalo-day-keep-ailments-away-125418391.html
https://drhealthbenefits.com/food-bevarages/meats/benefits-of-eating-bulalo-soup

Ka Bien

KA BIEN

minsan ko lang nakaharap si Ka Bien Lumbera
doon sa Diliman, matapos ang isang programa
na pinakilala sa akin ni Ka Apo Chua
buti si Apo'y may kamera't kami'y nagpakuha

subalit wala akong kopya ng litratong iyon
na patunay sana ng pagdalo kong iyon doon
na nakadaupang palad ko si Ka Bien noon
na respetadong National Artist ng ating nasyon

tanging nabiling aklat niya ang mayroon ako
aklat na kayamanan na ng makatang tulad ko
pamagat ay SURI pagkat pagsusuring totoo
hinggil sa panitikan, inakda niya't kinwento

may sinulat sa sariling wika, at may sa Ingles
malalasahan mo kung akda niya'y anong tamis
o mapait pa sa apdo ang indayog at bigkis
iyong mauunawaan, malalim man ang bihis

salamat, Ka Bien, sa ambag mo sa panitikan
ang makadaupang palad ka'y isang karangalan
taaskamaong pagpupugay yaring panambitan
sa Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan

- gregoriovbituinjr.
10.03.2021

* nabili ko ang aklat na Suri: Pag-arok sa Likhang Panitik, ni Bienvenido Lumbera (Abril 11, 1932 - Setyembre 28, 2021), na may 286 pahina, may sukat na 5" X 8", sa halagang P650, noong Hunyo 3, 2021, sa Solidaridad Bookshop sa Ermita, Maynila

Pintig

PINTIG

ramdam sa buto ang nilalaman ng mga pintig
upang magsidaloy sa ugat at puso'y maantig
araw mamaya'y titirik sa aking pagkatitig
habang dama pa niring binti yaong pamimitig

ganyan sa wari ko ang sasalubong na umaga
sa salamisim ay tila pupugto ng hininga
ngunit dapat maging masigla kasama ng musa
upang sabay na magsibangon ng malalakas na

natitigan ko ang kalamansing laan sa pansit
ah, madaling araw pa lang, ang gabi pa'y pusikit
pag pumutok na ang araw makikita ang langit
pati na maybahay kong may ngiting kaakit-akit

mula kisame'y sa sahig naman napatunganga
dapat kumilos ng maaga't huwag matulala
magsaing para sa pamilya'y gawaing dakila
sisikat na ang araw at mawawala ang tala

- gregoriovbituinjr.
10.03.2021