Linggo, Marso 28, 2021

Pagpupugay sa mga tagawalis sa lansangan

PAGPUPUGAY SA MGA TAGAWALIS SA LANSANGAN

maraming salamat sa inyong mga tagawalis
sapagkat ang ating mga lansangan ay luminis
mga basura't layak na nangaglipana'y amis
na sa mga may hika'y talagang nakaiinis

tapon na lamang dito't tapon doon ang sinuman
gayong maaari naman silang pakiusapan
na sarili'y disiplinahin bilang mamamayan
ito'y laking tulong na sa sarili nilang bayan

na kung tinuturing nilang tahanan ang daigdig
basura'y di nila itatapon saanmang panig
naglipanang basura'y nagdudulot ng ligalig
sa puso't isip ng bayang dapat magkapitbisig

salamat sa tagawalis, mababa man ang sahod
bilang manggagawa, puspusan silang naglilingkod
tungkuli'y ginagampanan kahit nakakapagod
nang lansangan sa mata ng madla'y nakalulugod

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan

Ang tagawalis sa madawag na kalunsuran

ANG TAGAWALIS SA MADAWAG NA KALUNSURAN

madawag na kalunsuran ay gubat kung pansinin
tagawalis ng kalsada'y tunay na magigiting
maagang gigising upang gampanan ang gawain
at maagang papasok upang basura'y walisin

tila ba mga basura'y sugat na nagnanaknak
na dapat gamutin, ito ma'y gaano kapayak
dala ang karitong lagayan ng basura't layak
upang nalagas na dahon ay dito mailagak

maraming salamat sa tagalinis ng lansangan
tungkulin nila'y mahusay nilang ginagampanan
di man sapat ang sahod, danas man ay kagutuman
nariyan lagi silang nagsisilbi ng lubusan

pagpupugay sa mga nagwawalis sa kalsada
iyang pagpapakapagod ninyo sana'y magbunga
madawag na lungsod ngayon nga'y nakakahalina
dahil sa mata ng madla'y malinis na't maganda

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan

Kambal na talong

KAMBAL NA TALONG

apat na suloy, lima ang bunga, aba'y may kambal
tinitigan ko ang talong subalit di matagal
pangitain ba ito, tila ako'y natigagal
tulad ng saging, sa talong ay mayroon ding kambal

kasabihan bang pag kumain ng kambal na ito
kambal din ang anak, paano makasisiguro
sige lang, kambal na bunga'y kainin ngang totoo 
baka tsumamba't kambal ang lumabas sa misis ko

sige, bakasakaling magkatotoo ang tsismis
kambal pala pag lumaki nga ang tiyan ni misis
kainin ang kambal na talong, baka magkapares
ang isisilang ng proletaryo ngunit di burgis

aba, kambal na talong ko'y talagang anong tigas
upang likhain ang kambal na magagandang bulas
sa diyalektiko'y isang karanasang madanas
na kung totoo, kambal na bunga'y dapat mapitas

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala mula sa gulay na padala ni misis

Ang alok

"Gusto mong mag-soft drinks?" magiliw na tanong sa akin
"Ayoko, tubig lang ako," sa kanya'y tugon ko rin
oo, alok niyang soft drinks ay pakisama lang din
ang kabaitan niya'y ayokong samantalahin

baka pag lagi akong umoo sa kanyang alok
dama ko'y di marunong mahiya, taong marupok
sa susunod, di na tatanggi sa kanyang paghimok
binibilog na ang ulo ko'y di pa makapiyok

at sa susunod, uutusan na akong bumili
ng anumang gusto niya, di ako mapakali
dahil katwiran, siya ang naroong may pambili
kaya sa una pa lang, ako na'y agad tumanggi

sa simpleng alok, kung anu-ano ang nahahaka
pwede bang iyon lamang ay simpleng pakikisama
minsan lang naman magpa-soft drinks ang isang kasama
pasasayaran ang lalamunan mo'y ayaw mo pa

- gregoriovbituinjr.