Miyerkules, Mayo 31, 2023

Paglipad sa ere (Sa eroplano, Bidyo 2)

PAGLIPAD SA ERE
(SA EROPLANO, BIDYO 2)

anong lapad din ng runway ng paliparan
maya-maya lang, eroplano'y umandar na
pinagmasdan ko ang buong kapaligiran
pag-usad namin ay binidyuhang talaga

wow, natiyempuhan ko ang mismong paglipad
hanggang kalupaa'y lumiit sa paningin
sa tabi ng bintana'y naupong kaypalad
habang naririnig ang pagaspas ng hangin

iyon ang aking unang pagbidyo sa ere
nakabibingi ang katahimikan doon
bigla'y makaririnig na di ko masabi
baka sa hangin kaya nangyayari iyon

buti't hangin ay di gaanong nagngangalit
lalo't may balitang may parating na bagyo
at ninamnam ko na lamang ang bawat saglit
nakapagbidyo rin ng dalawang minuto

- gregoriovbituinjr.
05.31.2023

* ang bidyo ay kuha ng makatang gala sa Mactan airport tungong NAIA, 05.31.2023

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/l0chDSp8Sd/

Paglalagay ng gamit (Sa eroplano, Bidyo 1)

PAGLALAGAY NG GAMIT
(SA EROPLANO, BIDYO 1)

noong makalampas na ang katanghalian
nakapasok na rin kami sa eroplano
animan ang upuan sa bawat hilera
habang nadarama sa puso'y pananabik

minasdan ko ang tanawin sa paliparan
buti't sa tabi ng bintana nakapwesto
tiyak, maya-maya lang kami'y lilipad na
kaya nakita sa kwaderno'y sinatitik

iginala ang mata sa kapaligiran
may naglalagay ng gamit ng pasahero
binidyuhan ang pagsalansan ng maleta
sa kumbeyor na sa ilalim isiniksik

ay, isang tagpo iyon ng pagtutulungan
upang bagahe'y mapag-ingatang totoo
marahil ay sapat-sapat ang sahod nila
nang pamilya nila'y di sa gutom tumitik

- gregoriovbituinjr.
05.31.2023

* ang bidyo ay kuha ng makatang gala sa Mactan airport tungong NAIA, 05.31.2023

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/k-XRqJBcjl/ 

Pasalubong

PASALUBONG

alas-singko pa lang, kami'y nasa airport na
para sa flight ng alas-syete ng umaga
subalit anong tagal kong maghihintay pa
flight ay nalipat ng alas-dose y medya

nasa loob na't ayoko na ring lumabas
ramdam ko pa'y antok, minuto'y pinalipas
sa upuan nakatulog, dama ang puyat
ngunit gising ang diwa, di dapat malingat

maya-maya pa'y naglibot, nakakagutom
bumili ng makakain at pasalubong
ah, pantawid-gutom din ang biskwit na iyon
buti't may tubig akong nadala rin doon

ako'y pumasok na rin bandang alas-onse
dala kong tubig ay na-detect, at sinabi
ng gwardya, iwan ko raw ang tubig sa tabi
tubig ko'y ininom at iniwan ang bote

buti't may Jollibee, makakakain na rin
kaya di na lang biskwit, may ulam na't kanin
di dapat magutom, ito ang laging bilin
sa sarili't baka tiyan ay pilipitin

- gregoriovbituinjr.
05.31.2023

Pagtungo sa airport

PAGTUNGO SA AIRPORT

kay-agang gumising upang maglakbay na pauwi
nag-ayos, naligo, nagbihis, sadyang nagmadali
mabuting maagap upang pag-alala'y mapawi
pagkasabik ba o lungkot ang sa puso'y naghari

doon nga sa kwarto'y talaga akong tinawagan
alas-kwatro ng madaling araw, gising na naman
nasa hulatanan o lobby naghihintay ang van
upang sumundo sa amin patungong paliparan

tatlo kaming umalis na kasamang nagsidalo
sa tatlong araw na asembliyang ginanap dito
sa Mactan, Cebu, sa lalawigan ni Lapulapu
hinggil sa paksang hustisya't karapatang pantao

madaling araw yaong iskedyul naming nauna
kaya kagabi pa lang ay talagang kumain na
habang mamaya pa magsisialisan ang iba
na bago lumisan ay may almusal o meryenda

uuwi kaming dala ang nangyaring pag-uusap
upang dalhin sa kanya-kanyang lugar ang naganap
na sa paglaon itayo ang lipunang pangarap
na walang nagsasamantala at nagpapahirap

- gregoriovbituinjr.
05.31.2023

* kuha ang bidyo ng madaling araw ng 05.31.2023
* may mapapanood na munting bidyo sa: https://fb.watch/kXnE2YUsA7/