Lunes, Abril 6, 2020

Donasyon sa lockdown

Donasyon sa lockdown

sa panahon ng lockdown, may natanggap ka bang tulong?
nakakakain ka pa ba kahit adobong kangkong?
o pulos delata't noodles sa iyong barungbarong
ang natanggap mo? buti't di ka nagkaka-kurikong

mabilis ba ang serbisyo ng mga pulitiko?
o sa binigay nila, may pangalan sila rito?
sa donasyon ba'y kaylaki ng pangalan ng trapo?
eleksyon ba'y malapit na't nais nang maiboto?

malaki daw ang pondo ng gobyernong inilaan
upang may makain ang na-lockdown na taumbayan
bilyong perang aprubado ng mga kinatawan
bilyon-bilyong pisong sana'y di kunin ng kawatan

karapatan nating kunin ang donasyong pagkain
mahirap man o mayaman, may donasyon sa atin
may nakaimbak ang mayaman, at mauubos din
walang naimbak ang mahirap kaya gugutumin

- gregbituinjr.

Anila, "Stay at home"

ANILA, "STAY AT HOME"

panawagan ngayong / lockdown, "Stay at home."
basta may pagkain / upang di magutom
sundin lamang ito / sa panahong lockdown
dapat kung mayroon / tayong malalamon.

"Stay at home" ngayong / naka-kwarantina
subalit pamilya'y / may makakain ba?
dapat tiyaking may / pagkain sa mesa
nang di magkasakit / ang buong pamilya.

mayroon ba kayong / pambili ng bigas?
tigil sa trabaho, / paano na bukas?
paano rin naman / kung walang lalabas?
sinong magbibigay / ng ulam at prutas?

"Stay at home" muna / kahit walang pera
"Stay at home" ka lang, / bukas, bahala na...
tutulong ba sila / pag nagkasakit ka?
o pag nagka-virus, / magagamot ka ba?

- gregbituinjr.

Tuyong hawot at dilis na naman ang ulam namin

Tuyong hawot at dilis na naman ang ulam namin

tuyong hawot at dilis na naman ang ulam namin
kahapon ay noodles at may pinitas na gulayin
walang karneng baka't baboy na masarap ulamin
purga na ang tiyan sa ulam na ulit-ulit din

di pa namumunga ang itinanim na kamatis
wala pa ring bunga ang kalumpit at aratilis
sa panahong ito, tayo muna'y magtiis-tiis
basta sa pagkain ay huwag tayong magmimintis

sana'y may mabilhan na ng kamatis at sibuyas
at makapaggisa ngunit sarado pa sa labas
dahil sa lockdown, tindahan din ay may takdang oras
alas-nuwebe hanggang ala-una lang ang bukas

ano nang dapat gawin sa ganitong kalagayan
mag-ipon na ng ulam para sa kinabukasan
tulad ng langgam, nagtitipid para sa tag-ulan
at tayo'y nagtitipid din dahil sa lockdown naman

- gregbituinjr.

Kay-agang gumising

Kay-agang gumising

hatinggabing pusikit na nang magpasyang humimbing
bago magbukangliwayway, kay-aga kong nagising
pakiramdam ko'y nagugutom at agad nagsaing
tuyo'y pinrito habang hinihintay ang sinaing

dahil sa kwarantina, karaniwang tanghali na
ang gising namin sa bahay, ngunit ako'y kay-aga
babangon lagi alas-sais pa lang ng umaga
tila body clock ko'y di sumabay sa kwarantina

nagutom yata ako dahil konti ang kinain
dahil sa lockdown, dalawang beses na lang ang kain
kaya kanina'y hinarap agad ang lulutuin
naglaga ng tubig na may dahon upang inumin

pagkakain ng almusal ay agad kong hinarap
ang pagkatha ng puna, lumbay, pag-asa't pangarap
maaanghang na salita'y pilit inaapuhap
may matamis na salitang di sana mapagpanggap

pulos sulat, di naman makagawa ng nobela
tula rin ng tula sa entablado ng protesta
nasa isip ay alalahanin at alaala
na madalas pagtahian ng salita tuwina

- gregbituinjr.