Lunes, Hunyo 13, 2022

Sa Bantayog

SA BANTAYOG

doon sa Bantayog ay nagtungo kami ni misis
sa sinasabing Independence Day ng bayang amis
doon kami nagdeyt, animo'y asukal sa tamis
nanood ng bidyo-interbyu, at may pasimpleng kiss

bantayog iyon ng mga martir noong marsyalo
may programang inihandog ang iba't ibang grupo
pinanood ang mga lider sa mga interbyu
habang sa isang umpukan ay napatula ako

si misis ay humilig naman sa aking balikat
habang nakaakbay akong tila nagsisiyasat
sa pinanonood at seryosong nakamulagat
habang siya'y inantok, napapikit at dumilat

simpleng deyt lamang iyon sa Araw ng Kasarinlan
subalit dinaluha'y araw na makasaysayan
tila ba namanata sa adhikang pambayan
ang kapwa magsing-irog sa panahong patibayan

- gregoriovbituinjr.
06.13.2022

* selfie ng makatang gala, 06.12.2022

Pakiusap

PAKIUSAP
ni Nâzım Hikmet
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hugis ulo ng buriko ang bansang ito

Na dumatal ng kaytulin mula sa malayong Asya

Upang mahatak tungo sa Mediterranean

ATIN ANG BANSANG ITO.

Mga pulsong duguan, ngiping nagngangalit

talampakang walang gayak,

Lupaing tulad ng alpombrang sutla

ANG IMPYERNONG ITO, ANG PARAISONG ITO'Y ATIN.

Hayaang nakapinid ang mga pintuang pag-aari ng iba

Huwag na nilang buksan pa itong muli

Alisin ang pagkaalipin ng tao ng tao

ATIN ANG PAKIUSAP NA ITO.

Upang mabuhay! Tulad ng punong nag-iisa at malaya

Tulad ng gubat sa pagkakapatiran

ATIN ANG PAGNANASANG ITO.

* isinalin sa petsang 06.13.2022
* hinalaw mula sa kawing na https://www.marxists.org/subject/art/literature/nazim/plea.html
* litrato mula sa google
.
.
.
PLEA
by Nazim Hikmet

This country shaped like the head of a mare

Coming full gallop from far off Asia

To stretch into the Mediterranean

THIS COUNTRY IS OURS.

Bloody wrists, clenched teeth

bare feet,

Land like a precious silk carpet

THIS HELL, THIS PARADISE IS OURS.

Let the doors be shut that belong to others

Let them never open again

Do away with the enslaving of man by man

THIS PLEA IS OURS.

To live! Like a tree alone and free

Like a forest in brotherhood

THIS YEARNING IS OURS.

Hangad

HANGAD

Tanong: "Ano ang hangad mo sa bansang Pilipinas?"
Agad kong tugon: Malayang bayan. Magandang bukas.
Matinong pamahalaan, lahat pumaparehas.
Walang mapagsamantala, isang lipunang patas.

Iyon ang mga hangaring pangarap ko sa bayan
Lalo't kayraming mapagsamantala sa lipunan
Hangga't bulok na sistema'y di pa napapalitan
Mga hangad iyong patuloy na ipaglalaban.

- gregoriovbituinjr.
06.13.2022

* litratong kuha ni misis noong Independence Day, 06.12.2022

Malaya nga ba?

MALAYA NGA BA?

malaya nga ba ang bayan sa bulok na sistema?
ngunit api pa rin ang manggagawa't magsasaka?
naririyan pa rin ang tuso't mapagsamantala
nananatili pa ring nasa tuktok ang burgesya
habang kayrami pa ring naghahanap ng hustisya!

laganap pa rin ang salot na kontraktwalisasyon
na di magawang regular ang manggagawa roon
silang nagpaunlad ng ekonomya'y bakit gayon?
di mabayarang tama ang lakas-paggawa niyon
ganyan ba ang malayang bansa? ang malayang nasyon?

magsasaka'y lumilikha ng pagkain ng bayan
silang babad sa lupa'y bakit naghihirap naman
sila ang nagtatanim ng palay sa kabukiran
kaymura ng kilo ng palay, hindi makatwiran
at kaymahal ng kilo ng bigas sa pamilihan

malaya nga ba ang bayan pag ganyan ang sistema?
lupang ninuno'y puntirya, hari'y kapitalista
gobyerno'y walang kontrol sa presyo, hirap ang masa
laya ba'y ano? pag dayuhan ay napalayas na?
laya ba'y ano? pag wala nang mapagsamantala?

- gregoriovbituinjr.
06.13.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa Bantayog ng mga Bayani, 06.12.2022