Huwebes, Oktubre 8, 2009

Unos, Ulos, Ubos

UNOS, ULOS, UBOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

nang minsang rumagasa ang unos
at tubig sa bayan ay binuhos
maraming taong tila inulos
pagkat kagamitan ay inubos

ng bahang sa atin ay sumakop
at pumawi ng ating mga sukob
tila walang pag-asang makupkop
pagkat lahat ay nakasubasob

sa naganap na kaytinding unos
kaya kayraming tao'y kinapos
sa kabuhayan nila't panustos
paano sila makakaraos

paano uli magsisimula
pagkatapos ng malaking baha
ayaw nilang magmukhang kawawa
kaya mag-uumpisa sa wala

ngayon naisip nila't natalos
na dapat maghanda silang lubos
pagkat ito'y di pa natatapos
at may paparating pa ring unos

Bayanihan sa Delubyo

BAYANIHAN SA DELUBYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

sa panahon ng kagipitan
marami ang nagtutulungan
lumulutang ang bayanihan
sa anumang kapahamakan

tulad ng nangyaring delubyo
na ang pagbaha'y lampas-tao
di nangilala kahit sino
delubyo'y walang sinasanto

maraming inanod sa baha
sang-iglap kayraming nawala
ang mayaman ay naging dukha
ang dukha'y lalong nakawawa

pati magkakapitbahay man
na dati ay nag-iiringan
ay taos-pusong nagtulungan
iringan ay kinalimutan

sa bawat magkakapitbahay
minamahalaga ang buhay
parang si Ondoy pa ang tulay
upang magdamayan ng tunay

kayganda ng bayanihan
sinasagip kahit sinuman
magkagalit ay nagbatian
at bawat isa'y nagtulungan

Pagharap sa Panibagong Unos

PAGHARAP SA PANIBAGONG UNOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

paano ba natin haharapin
ang mga unos na paparating
nang ito'y di maging isang lagim
at tayo'y di na muling manimdim

Reming, Ondoy, Pepeng, at Milenyo
ay ilang lang sa kaytinding bagyo
na gumambala sa atin dito
at nagpaikot ng ating ulo

ngunit tila ba pangkaraniwan
na lang ang mga bagyong nagdaan
nasanay nang taun-taon na lang
binabagyo'y iba't ibang bayan

at kalunsuran sa ating bansa
karaniwan na kahit ang baha
kaya marahil di makagawa
tayo ng agarang paghahanda

kung paano ba natin harapin
ang anumang unos na parating
kung handa tayo'y di maninindim
pagkat bagyo'y di magiging lagim

kaya maghanda habang maaga
ang anumang dapat ay gawin na
tulad ng paglikha ng depensa
laban sa bagyong mananalasa

Para Kang Alak

PARA KANG ALAKni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

para kang alak na kaytagal naimbak
habang tumatagal, lalong sumasarap
kaya yata lagi kitang hinahanap
at pinapangarap kahit lumalaklak

handog ko sa iyo'y rosas na bulaklak
na pagmamahal ang iyong malalanghap
ako nga'y tila ba nasa alapaap
pag kasama ka, puso ko'y nagagalak

para kang lambanog sa puso kong lubak
pagkat ikaw'y lagi kong nasa pangarap
ang pagsinta mo sana'y aking malasap
sana damdamin ko'y huwag mapahamak

kaysarap pakinggan ng iyong halakhak
lalo na't ikaw'y aking nakakausap
nawa pag-ibig ko'y iyo nang matanggap
nang sa tuwa naman ako'y mapaindak

Nagbabagang Taglamig, Nagyeyelong Tag-araw

NAGBABAGANG TAGLAMIG
NAGYEYELONG TAG-ARAW

ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

nagbabagang taglamig, nagyeyelong tag-araw
tila baligtad na ang dito sa mundo'y galaw
yelo sa dulong mundo'y tuluyan nang nalusaw
umangat na ang tubig, mga lupa'y nagsabaw

nagyeyelong tag-araw, nagbabagang taglamig
ano na ang nangyayari sa ating daigdig
tag-araw nga ngunit kayraming nangangaligkig
at sa tag-ulan ay kay-init ng dinidilig

sinong dapat sisihin sa nangyayaring ito
ang may gawa ba nito'y tadhana o ang tao
o kasalanan ng sistemang kapitalismo
ngunit tiyak dapat na may mananagot dito

apaw ang ilog, barado pati mga kanal
pati namamahala ng dam ay tila hangal
kung anu-ano na lang ang ating nauusal
pagkat di matukoy kung sino ba ang kriminal

anong mangyayari sa sunod na henerasyon
kung tila tayo rito ngayon na'y nilalamon
ng delubyo, baha't kung anu-ano pa iyon
gusto ba nating basta na lang tayo mabaon

nagbago na ang kalagayan ng ating mundo
dahil nalulusaw na sa hilaga ang yelo
apaw na rin ang tubig sa kalupaan dito
butas na rin ang atmospera ng mundong ito

kaybigat ng kinakaharap na suliranin
kaya sadyang kailangang agad talakayin
at pag-usapan na ang nangyayari sa atin
alamin kung anong mga nararapat gawin

bawat bansa't mamamayan dapat magtulungan
panahon na ito ng totoong bayanihan
kung hindi ngayon, pagkilos pa ba ay kailan
walang ibang panahon, ngayon na, kaibigan

Ngitngit ng Kalangitan

NGITNGIT NG KALANGITAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

ang langit ba'y sadyang nagngingitngit
at ang ngipin nito'y nagngangalit
ang taas ba'y sa atin may galit
kaya tayo'y hinampas ng langit

ito ang hikbi ng karamihan
ng datnan ng sawing kapalaran
nilimas ang kanilang tahanan
at inubos pati kabuhayan

ngunit anong ating magagawa
kung tayo na'y tila isinumpa
sapat ba ang ating iluluha
upang itong langit ay maawa

ang kalikasan na'y napopoot
isa-isang buhay ang dinaklot
pawang lagim nga itong bumalot
hanggang ngayon ay binabangungot

ah, hinampas na tayo ng langit
pinaramdam na ang kanyang lupit
kaya tayo pa ay umiimpit
dahil langit na ang gumigipit

Sa Muling Pagdatal sa Maynila

SA MULING PAGDATAL SA MAYNILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

mula sa Bangkok, Thailand ako'y nagbalik
sa Maynila na puno ng pananabik
kahit ang bansa'y dinelubyo ng lintik
ng mga bagyong lagim ang inihasik

ramdam ang malamig na simoy ng hangin
tila may bagyo na namang paparating
kaya dapat maghanda tayong taimtim
bago mangyari ang panibagong lagim

nagpasya akong huwag nang magpahinga
at tumulong agad sa mga kasama
kung anong mga dapat naming gawin pa
nang matulungan ang mga nasalanta

- inakda pagkababa sa NAIA, Cebu Pacific Flight 5J 932
NAIA Terminal 1, October 7, 2009