Lunes, Enero 30, 2023

Salamat, nakabigkas din ng tula

SALAMAT, NAKABIGKAS DIN NG TULA

mabuti't sa solidarity night ng manggagawa
ay nabigyang pagkakataong bumigkas ng tula
sa pagitan ng pulutan at alak nakakatha
wala mang binabasa'y agad akong nakatula

marahil dahil kabisado ko ang mga isyu
ng mga kauri kaya isip ay di nablangko
di ko man naisulat ang nasa diwa't loob ko
ay may tugma't sukat pa ring bumigkas nang totoo

kaysaya ng buong gabi't punong-puno ng awit
nakabigkas lang ng tula nang makata'y mangulit
nagkakatagayan na kasi kaya nakahirit
at nasabi rin ang sa kapitalismo'y parunggit

masaya nang nakatula sa kanilang harapan
kaya pinagbuti ang pagbigkas nang may tugmaan
sa pumalakpak, nais ko kayong pasalamatan
makata'y di binalewala't inyong pinakinggan

- gregoriovbituinjr.
01.30.2023

* ang makatang gala ay nakatula sa solidarity night ng ika-9 na Pambansang Kongreso ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Baguio City, 01.28.2023

Ang masasabi

ANG MASASABI

mananatiling tutula
kahit laging walang-wala
sa langit nakatingala
sa kisame'y tutunganga

gawain mang walang sahod
kaya buhay ay hilahod
yaring pluma'y hinahagod
marahil hanggang sa puntod

patuloy na inaalam
ang lipunang inaasam
magsamantala'y maparam
bagamat may agam-agam

patuloy sa adhikain
at sa atang na tungkulin
tutupdin bawat layunin
lalo't dakilang mithiin

iyan lang ang masasabi
upang tuluyang iwaksi
yaong sistemang salbahe
at talagang walang silbi

- gregoriovbituinjr.
01.30.2023

Niloloob

 
NILOLOOB

“There is no greater agony than bearing an untold story inside you.” 
~ Maya Angelou, I Know Why The Caged Bird Sings

animo'y nagsisukob
dini sa niloloob
bawat isyung marubdob
sa kung saan nalublob

ibon ay umiiyak
doon sa hawlang pilak
ramdam ay napahamak
laya'y asam na payak

nababahaw ang tinig
tila may nakabikig
ayusin na ang katig
kung maglayag ang ibig

patuloy ang pagsuyo
bagamat walang luho
pagkat sinta'y kasundo
kapanalig, kapuso

patuloy man ang digma
sa gahama't kuhila
lagutin nating sadya
ang gintong tanikala

- gregoriovbituinjr.
01.30.2023