Linggo, Mayo 9, 2021

Sa mga nanay ng pinaslang, ngayong Mother's Day

SA MGA NANAY NG PINASLANG, NGAYONG MOTHER'S DAY

alam ko, di happy ang Mother's Day ng mga nanay
pagkat ang minamahal nilang anak ay pinatay
na droga raw ang dahilan, walang prosesong tunay
dahil atas ng pangulo, anak na'y di binuhay

di masaya ang Mother's Day ng mga inang iyon
pagkat patuloy pa ring nagdurusa hanggang ngayon
oo, walang due process, anak nila'y ibinaon
sa hukay ng mga suspek, hustisya'y hinahamon

kasumpa-sumpa ang krimeng ginawa sa kanila
na sa atas ng Ama ng Tokhang ay namaslang na
para lang silang kumakatay ng baboy o baka
nang walang due process na pinaslang ang anak nila

hustisya sa mga pamilya ng mga pinaslang
panagutin lahat ng may kinalaman sa tokhang
ngayong Mother's Day, ang sigaw namin ay katarungan!
nawa'y kamtin ng mga ina ang hustisyang asam

- gregoriovbituinjr.05.09.2021

* litratong kuha ng makatang gala sa isang pagkilos sa harap ng Senado noong Agosto 2017

Pagtahak sa landas ng tuwid at balintuna

PAGTAHAK SA LANDAS NG TUWID AT BALINTUNA

minsan, ako'y napadaan sa bookstore na Biblio
tila ako'y hinila roon ng isang magneto
naroon ang mukha ng idolong Edgar Allan Poe
makata't awtor ng katatakutan at misteryo

tiningnan ang mga librong mula sa ibang bansa
di makapili sa mga naggagandahang paksa
tila kaytagal nahimbing, muling nagsisimula
sa pagtahak sa landas ng tuwid at balintuna

nilibot ko ang paligid, ang paksa'y iba't iba
natitigan ko ang libro ng samutsaring kanta
binasa ang geometriya't trigonometriya
aaralin ang mga bituin sa astronomya

ah, nakabili lang ako ng mumurahing aklat
hinggil sa pulitika lalo't salapi'y di sapat
ramdam ko kasing napili ko'y nakapagmumulat
na baka balang araw ay aking maisiwalat

tila ba sa mga aklat ako'y sabik na sabik
habang sa aking diwa'y kayrami ng pahiwatig
nakakapagsuri't nasasagot ang mga hibik
upang maging matatag na tungko ng aking tindig

- gregoriovbituinjr.

Pagpupugay sa mga frontliner moms



PAGPUPUGAY SA MGA FRONTLINER MOMS

o, mabuhay kayong mga fronliner moms, mabuhay
nang dahil sa tungkulin, sa pamilya'y napawalay
upang magsilbi sa bayan at magligtas ng buhay
talagang trabaho'y ginagawa ng buong husay

tiniis ang hirap ng loob para sa pamilya
ang mga anak ay kaytagal nang di nakikita
lalo't patuloy pang nananalasa ang pandemya
sa iba't ibang panig ng bansa't daigdigan na

malungkot man subalit dapat kayong magpatuloy
sa trabaho, sa duyan man anak na'y di maugoy
dapat magtrabaho kahit anak ay nagngunguyngoy
lalo't virus ay may ibang baryant na di pa tukoy

lumalaban pa rin kayo sa samutsaring tagpo
nilalabanan ang virus sa iba't ibang yugto
upang gumaling ang maysakit, virus ay maglaho
tuloy ang laban, huwag sana kayong masiphayo

anumang dumating, huwag sana kayong bibigay
lalo't kayo'y fronliner na inaasahang tunay
Happy Mother's Day po sa mga frontliner na nanay
sa inyong lahat, kami'y taospusong nagpupugay

- gregoriovbituinjr.

Tula sa buntis pantry ngayong Mother's Day

TULA SA BUNTIS PANTRY NGAYONG MOTHER'S DAY

kayganda namang balita, pang-Mother's Day talaga
sa bayang Santa Marya, lalawigan ng Laguna
mayroong Buntis Pantry para sa Araw ng Ina
samutsaring kagamitan ang doon makukuha

may diaper at lampin para sa ipapanganak
na sanggol, na handog ng mga may pusong busilak
may bitamina't gatas din, sadyang nakakagalak
tila mga buntis ay talagang mapapaindak

Happy Mother's Day sa lahat ng community pantry
sapagkat maraming ina ang dito'y nagsisilbi
at naidagdag pa ang konsepto ng buntis pantry
para sa mga buntis ay namigay ng marami

sadyang nakalulugod ang konseptong naikalat
na bayanihan at tulungan ang naipamulat
muli'y bumabati ng Happy Mother's Day sa lahat
at sa bawat ina'y taospusong pasasalamat

- gregoriovbituinjr.

Pagmasdan natin ang saligway

PAGMASDAN NATIN ANG SALIGWAY

habang pinagmamasdam ang nadaanang saligway
di agad maapuhap ang mga pala-palagay
tila nasa panginoring di matingkalang tunay
kung bakit naroong nadarama'y ligaya't lumbay

anong ganda ng arkitektura ng saloobin
kahit yaong pilosopiya ng alalahanin
ay tigib ng pagkapariwarang balewalain
man ay nakaukit na sa puso ng mga ubanin

may sagot naman kung paano puputi ang uwak
balahibong itim ay puting pintura'y ipatak
o ipahid matapos tahakin ang lubak-lubak
habang sa balantukan ay dama pa rin ang antak

halina't samahan mo akong masdan ang saligway
anong iyong pakiramdam at agad naninilay
ah, kayganda niyon dahil sa ngiti mong sumilay
lalo na't ikaw ay may busilak na pusong taglay

maganda lang ang saligway kung walang nananahan
nang dahil sa plastik ang mundo'y naging basurahan
tila walang pakialam sa kapwa't mamamayan
kaya tahanang daigdig ay pinababayaan

mga katotohanang bakit binabalewala?
dahil gutom lang ng pamilya ang inuusisa?
kung pangit ang daigdig na nagisnan nating pawa
sana magandang daigdig ay atin pang malikha

- gregoriovbituinjr.

* panorama- saligway, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 929

Soneto sa Mother's Day

SONETO SA MOTHER'S DAY

sa bawat ina, kami'y taospusong nagpupugay
dahil naririyan kayong nagmamahal na tunay
kayong mga saksi sa bawat naming paglalakbay
na sa samutsaring hakbang ay aming patnubay

sa bawat ina ay taospusong pasasalamat
pagkat nagsilbing unang guro sa aming pagmulat
pagkat mga anak ay pinalaking anong ingat
pagkat sa pamilya'y tinupad ang misyong kaybigat

sa bawat ina, mabuhay kayong mga dakila
pag may sakit ang anak, kayo ang nag-aalaga
sa edukasyon ng anak, nagturo, di pabaya
mga anak ay pinalaking di napariwara

sa bawat ina, Happy Mother's Day itong pagbati
sa aming puso, pagmamahal n'yo'y mananatili

- gregoriovbituinjr.05.09.2021

Iwasan ang booby trap sa FB

IWASAN ANG BOOBY TRAP SA FB

lagi nang bumubulaga ang booby trap sa facebook
pagbukas mo pa lang, dama mo agad ang pagsubok
remember password ang sa iyo'y agad panghihimok
parang sa personal mong buhay ay nanghihimasok

nakakaasar na ito lagi ang bumubungad
subalit maging mahinahon at laging mag-ingat
baka mapindot mo iyan, ikaw na'y malalantad
facebook mo na'y mapapasok ng iba pag nalingat

mabuting sa pagtipa ng password mo'y laging handa
di kumplikado nang di malimutan sa pagtipa
ang just click your profile picture ay katamarang sadya
pagkat sariling seguridad na'y binalewala

noon, sa email nanghihingi, ngayon, facebook naman
para iyang virus na iyong pinahintulutan
pag nalingat ka'y makakapasok na ang sinuman
pag kinalikot nila'y ikaw ang may kasalanan

booby trap ay nakamamatay, iyan ang totoo
patibong, bitag, pain, kanino papasaklolo
mabuting layuan mo't ilagan ang mga ito
kung ayaw mong mapatay ng mga salbahe't tuso

- gregoriovbituinjr.