Sabado, Oktubre 17, 2009

Isang Baldeng Luha

ISANG BALDENG LUHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

isang baldeng luha ba ang alay mo, mahal
gayong nawala ako'y di naman matagal
buhay kong iwi'y akin nang isinusugal
upang kumita lamang kahit pang-almusal

isang baldeng luha ba'y iyong pasalubong
dahil sa naririnig mong kayraming sumbong

mahal ko, aking sinta, huwag nang lumuha
sa bandang huli tayo ri'y makalalaya
mula sa buhay na dinaanan ng sigwa
at sa kahirapang dapat nating isumpa

ikaw lang naman ang tangi kong minumutya
kaya aking sinta, huwag ka nang lumuha

Mga Trapo'y Makasarili

MGA TRAPO'Y MAKASARILI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pag nanalasa na naman ang mga trapo
tiyak na pangako doon, pangako dito
yaong muling maririnig sa mga ito
kahit pangako nila'y pawang sintunado

tiyak namang mananalasa muli sila
silang mga laging sinusumpa ng masa
silang boto'y binibili dahil mapera
at mga trapo silang wala namang kwenta

mabait lang sila dahil maghahalalan
akala'y katropa ngunit nagpapayaman
akala'y makamahirap ngunit bulaan
laging pinapaikot ang ulo ng bayan

nais lang nila'y mahalal sila sa pwesto
ngunit pag naupo na'y limot na ang tao
ang pwesto'y ginagawa na nilang negosyo
sadyang walang pakinabang sa mga trapo

sadyang di sila kakampi ng mamamayan
dahil iba ang kanilang pinanggalingan
wala sa kanilang puso ang kapakanan
ng bayang dapat lang sana nilang tulungan

ano bang napapala ng masa sa trapo
di nga nila maipagtanggol ang obrero
laban sa mga tanggalan sa trabaho
di ba't trapo'y pawang kurakot sa gobyerno

okey lang sa trapo ang kontraktwalisasyon
na sadyang salot sa mga obrero ngayon
iginigiit pa ng trapo'y demolisyon
ng maralita kahit walang relokasyon

para sa trapo, ang mga dukha'y basura
at mga iskwater ay masakit sa mata
maralita nga'y pinandidirihan nila
imbes na tulungan ay itinataboy pa

sariling interes lagi ang iniisip
ng mga trapo sa gobyerno't pawang sipsip
buhay lang nila ang inuunang masagip
problema ng bayan, di nila nililirip

mga trapong ito'y pawang bulag at bingi
hirap na nga ang bayan, trapo pa'y kampante
tanging nasa isip nila'y laging sarili
ibagsak na natin ang trapong walang silbi

Trapo'y Manggagamit ng Masa

TRAPO'Y MANGGAGAMIT NG MASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

eleksyon na naman, muling maglilipana
ang mga manggagamit na naman sa masa
tulad ng trapong naging makamahirap na
gayong noon, masa'y inaasikan nila

marami nang nag-aastang makamahirap
gayong dati, ang dukha'y di kinakausap
noon, sa mga dukha'y laging nakairap
ngayong eleksyon, sila'y nakangiting ganap

biglang naging makamahirap silang trapo
kahit kanilang anino'y mukhang demonyo
ang mga pulitiko'y nakangising-aso
at laging pangako doon, pangako dito

sanay na ang masang lagi nang napapako
ang pangako nitong pulitikong hunyango
gayong mga trapo'y sadyang wala nang puso
pagkat puso nila'y kung paano tumubo

kailan mawawala ang mga pangakong sablay
pati na ang mga problemang nakahanay
kailan ang taumbayan magtatagumpay
na mailuklok sa pwesto'y lingkod na tunay

kailan ilulugmok ang di makamasa
lalo't mga trapong manggagamit ng masa
mga plano ng trapo'y dapat lang mabasa
at mailantad ang pagkukunwari nila

mga trapo'y dapat lang nating maibagsak
dahil sa paglilingkod sila'y sadyang palpak
trapo'y pinagagapang lang tayo sa lusak
imbes maglingkod sa bayan ang trapong tunggak

trapo'y laging gamit ang pangalan ng masa
nagiging mabait maiboto lang sila
ngunit kapag sa poder sila'y naluklok na
sarili nang nasa isip at di ang masa

kaya ibagsak na ang mga manggagamit
kahit mga trapo sa atin ay magalit
ipagtanggol natin ang mga maliliit
at ibagsak ang mga trapong malulupit

tigilan na nila ang paggamit sa masa
tigilan na nila ang mga pambobola
tigilan na nilang dalhin kami sa dusa
manggagamit na trapo'y ating ibagsak na