Sabado, Oktubre 17, 2009

Mga Trapo'y Makasarili

MGA TRAPO'Y MAKASARILI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pag nanalasa na naman ang mga trapo
tiyak na pangako doon, pangako dito
yaong muling maririnig sa mga ito
kahit pangako nila'y pawang sintunado

tiyak namang mananalasa muli sila
silang mga laging sinusumpa ng masa
silang boto'y binibili dahil mapera
at mga trapo silang wala namang kwenta

mabait lang sila dahil maghahalalan
akala'y katropa ngunit nagpapayaman
akala'y makamahirap ngunit bulaan
laging pinapaikot ang ulo ng bayan

nais lang nila'y mahalal sila sa pwesto
ngunit pag naupo na'y limot na ang tao
ang pwesto'y ginagawa na nilang negosyo
sadyang walang pakinabang sa mga trapo

sadyang di sila kakampi ng mamamayan
dahil iba ang kanilang pinanggalingan
wala sa kanilang puso ang kapakanan
ng bayang dapat lang sana nilang tulungan

ano bang napapala ng masa sa trapo
di nga nila maipagtanggol ang obrero
laban sa mga tanggalan sa trabaho
di ba't trapo'y pawang kurakot sa gobyerno

okey lang sa trapo ang kontraktwalisasyon
na sadyang salot sa mga obrero ngayon
iginigiit pa ng trapo'y demolisyon
ng maralita kahit walang relokasyon

para sa trapo, ang mga dukha'y basura
at mga iskwater ay masakit sa mata
maralita nga'y pinandidirihan nila
imbes na tulungan ay itinataboy pa

sariling interes lagi ang iniisip
ng mga trapo sa gobyerno't pawang sipsip
buhay lang nila ang inuunang masagip
problema ng bayan, di nila nililirip

mga trapong ito'y pawang bulag at bingi
hirap na nga ang bayan, trapo pa'y kampante
tanging nasa isip nila'y laging sarili
ibagsak na natin ang trapong walang silbi

Walang komento: