HANGGANG ISLOGAN KA LANG (?!)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
anang pangulo, "Kung Walang Corrupt, Walang Mahirap"
paano naman kung ang kanyang mga patakaran
ay kontra-masa, kontra-obrero't kontra-mahirap
di ba't ito'y tulad din ng pagiging utak-wangwang?
kaya di sapat ang "walang corrupt, walang mahirap"
na kanyang islogan mula halalan hanggang ngayon
dahil ito'y magmumukha lang isang pagpapanggap
kung ramdam pa rin ng nakararaming masa'y gutom
sabi pa niya sa telebisyon, "Kayo ang Boss ko!"
ngunit tila di siya sa sambayanan nagsabi
kundi sa mga kinatawan ng kapitalismo
na nangaroon at walang sawang ngingisi-ngisi
patunay ang mga patakarang pribatisasyon
na polisiya ng kanyang public-private partnership
kung masa'y Boss, bakit masa'y busabos pa rin ngayon
tila pangako nya'y patay na diwa't panaginip
pangako nya'y "Tutungo Tayo sa Tuwid na Daan"
ngunit tuwid bang manggagawa'y iniitsapwera?
tuwid bang dukha'y lubog pa rin sa karalitaan?
tuwid bang sa impyerno pala tayo dinadala?
kung ganyan pala, hanggang islogan ka lang, pangulo!
baka ang labi mo'y gasgas na sa kapapangako
kung di mo kaya, umalis ka na sa iyong pwesto
kaysa naman ang bayan pa'y iyong ipagkanulo