Martes, Agosto 20, 2019

Tanaga sa Paglisan

TANAGA SA PAGLISAN

namatay ang katawan
subalit di ang diwa
ang pamana’y nariyan
naiiwan sa madla

umaalis ang tao
upang magtungo roon
sa iba pang mundo
upang doon umahon

maraming magigiting
ay nagiging bayani
marami naming praning
ay nagpasyang magbigti

anong dapat gawin
upang tupdin ang misyon
iyo munang suriin
kung wasto ba ang layon

lilisan din ang lahat
sa ibabaw ng lupa
aking pasasalamat
sa kapwa manggagawa

marami man ang gusot
ito’y mapaplantsa rin
huwag kang sumimangot
minsan, ngumiti ka rin

ang bilin ay asahan
at gawin nang maigi
ating kapaligiran
alagaang mabuti

salamat po sa inyo
tuloy ang paglilingkod
pagandahin ang mundo
at ating itaguyod

- gregbituinjr.

* Nalathala ang tulang ito sa pahayagang Diwang Lunti, isyu ng Agosto 2019, pahina 20

Pahimakas kay Ms. Gina Lopez

PAHIMAKAS KAY MS. GINA LOPEZ

Ms. Gina Lopez, marangal, palaban, maginoo
makakalikasan, aktibista para sa mundo
tagapagtaguyod din ng karapatang pantao
sa D.E.N.R. nga, pagsisilbi niya'y totoo

mga mamumutol ng puno ang sinagasaan
pati sumisira ng kagubata't karagatan
ang kapakanan ng katutubo'y ipinaglaban
nag-atas na ipasara ang maraming minahan

tulad ni Francisco ng Assisi'y kanya ring batid
araw, hangin, tubig, lupa'y kanyang mga kapatid
kinalaban ang mga mapagsamantala't ganid
kalabang pulos pera ang isip ay nauumid

siya ang malaking hipong sumalunga sa agos
siya ang dragong pumuntirya sa nambubusabos
siya ang agilang kalikasa'y pilit inayos
siya ang anghel sa mga kalupaang nilapnos

Ms. Gina, minero'y natuwa sa 'yong pagkawalay
ngunit kaming narito'y taas-noong nagpupugay
pamana mo'y mga halimbawa't prinsipyong taglay
sa buong bansa, ngalan mo'y nagniningning na tunay

- gregbituinjr.