Lunes, Enero 27, 2025

Masdan mo ang kapaligiran

MASDAN MO ANG KAPALIGIRAN

pamagat ng awit ng ASIN:
"Masdan mo ang kapaligiran"
lupa, dagat at papawirin
ay pansinin, di lang pagmasdan

saanman ay bawal magkalat
isang mahalagang programa
Reduce, Reuse, Recycle dapat
saanman tayo nakatira

atin ding papaghiwalayin
ang nabubulok, di mabulok
at huwag paghalu-haluin
ihiwalay ang binubukbok

para sa kapakanan natin
at ng kapwa, maging malusog
paligid ay ating linisin
basura'y di rin sinusunog

awit ng ASIN ay kaysarap
pakinggan, sa kaibuturan
ay nanunuot itong ganap
tagos sa puso, diwa't laman

- gregoriovbituinjr.
01.27.2025

Nagmalupit

NAGMALUPIT

kaytinding salita ang ginamit
sa basketball pagkat "nagmalupit"
ang mga koponan sa kalaban
pagkat sa iskor ay tinambakan

tinambakan kaya "nagmalupit"
kaya marahil napakasakit
sa damdamin ng mga natalo
ang danas na pagkagaping ito

iba ang ating pakahulugan
sa gayong salita sa tahanan
magbigay tayo ng halimbawa
pag pinagmalupitan ang bata

talagang may parusang katapat
sa batas, lalo't yao'y naungkat
kaya pag ginamit sa basketball
ang nasabing salita'y may trobol

subalit tinambakan lang pala
sa iskor, babawi na lang sila
sa sunod na laban titiyaking
karibal nila'y paluluhurin

- gregoriovbituinjr.
01.27.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Enero 27, 2025, p.12

Akap

AKAP

aakapin mo pa ba ang isang sistema
kung sagad-sagarin nang mapagsamantala
o iyon ay agad-agad mong isusuka
tulad ng ayuda para sa pulitika

aakapin mo pa ba ang sistemang trapo
at magkautang na loob sa mga ito
nais nilang bilhin ang iyong pagkatao
upang iboto mo sila't sila'y manalo

lalo't kilong bigas ay kinakailangan
nang pamilya'y di magutom o mahirapan
trapo'y sinasamantala ang karukhaan
ng maralita na turing nila'y bayaran

kung mga trapo ay ganito ang pagtingin
sa mga maralita, kaybaba ng turing
ah, maralita'y dapat maghimagsik na rin
nang lipunang makatao'y itatag man din

- gregoriovbituinjr.
01.27.2025

* litrato mula sa fb page ng BMP