Linggo, Disyembre 25, 2016

Malungkot ang Pasko ng pamilyang tinokbang

MALUNGKOT ANG PASKO NG PAMILYANG TINOKBANG

biktima sila ng anong lupit na karanasan
sapagkat pamilya'y dinaluhong ng karahasan
mahal sa buhay ay wala sa prosesong pinaslang
kinatok sa bahay, imbitasyon ay naging tambang
operasyong tokhang ay naging tokbang: "tok, tok, bang! bang!"

ngayong Pasko, wala na ang mahal nila sa buhay
malungkot ang kapaskuhan sa kinagisnang bahay
ganun-ganon lang, mahal nila'y basta lang pinatay
walang managot, collateral damage daw ang bangkay
sa digmaang parang ipis kung tirisin ang buhay

at ngayong Pasko, halina't magnilay-nilay tayo
paano bang buhay ay kanilang irerespeto?
igalang pa kaya itong karapatang pantao?
sa sunod na Pasko ba'y asahan pa ring ganito?
mga biktima ba'y may hustisya pang matatamo?

kung tugon nila sa problema'y shortcut, pamamaslang
kung solusyon nila'y pananakot at pananambang
di matalino ang pinuno, isa siyang hunghang
problema'y di kayang malutas, kaya shortcut na lang
kung ganyan ang lider mo, kaluluwa niya'y halang

- tula't litrato ni gregbituinjr.,/122516

Paskung-pasko, kayraming pulubi

PASKONG-PASKO, KAYRAMING PULUBI

naglakad-lakad ako ngayong Kapaskuhan
na dapat dama kahit munting kasiyahan
ngunit kayrami pa ring pulubi sa daan
para bagang ang Pasko'y walang pakialam

gula-gulanit pa rin ang damit ng bata
marusing pa rin ang suot na tila basa
para bagang Pasko'y dinaanan ng sigwa
Paskung-Pasko'y marami pa rin ang kawawa

maglakad-lakad ka ri't maging piping saksi
kahit na kapaskuhan, kayraming pulubi
kagutuman sa bayan ay sadyang kayrami
bakit ganito ang bayan, tanong sa sarili

ang sistemang ito'y mapangyurak sa tao
na serbisyo'y negosyo sa kapitalismo
naglipana ang pulubi kahit na Pasko
kaya dapat palitan ang lipunang ito

Pasko'y isang araw ba ng pananahimik?
at matapos ito'y muling manghihimagsik?!
pangarap na pagbabago'y ating ihasik
hanggang lipunang komunal ay maibalik


- gregbituinjr.,/122516

Nasa pagkakaisa ng manggagawa ang pag-asa

nasa pagkakaisa nitong manggagawa
yaring pag-asa ng buong sangkatauhan
paniwalang ito'y tagos sa puso't diwa
upang kamtin ang pagbabago ng lipunan

panahon man ngayon ng hinagpis at sigwa
dahil sa kabuktutan ng lilong puhunan
ang Pasko'y araw na dapat ding ikatuwa
pagkat may isang araw na dusa'y naibsan

lipunang kapitalista'y kasumpa-sumpa
na yumurak sa dangal nati't katauhan
kaya dapat kamtin ang lipunang malaya
sa salpukan ng makauring tunggalian

uring manggagawa, hukbong mapagpalaya
magbigkis muli't patuloy tayong lumaban
ipanalo natin ang lipunang adhika
ito'y muling panata ngayong kapaskuhan

- gregbituinjr./122516

(nasa larawan ang anyo ng Christmas Card na ipinamamahagi ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino)


Huwag kang makikipag-away ngayong Pasko

huwag kang makikipag-away ngayong Pasko
lalo na't ang katunggali mo'y walang modo
dahil baka magkasakitan lamang kayo
magpasensya ka't wala pang sakit ng ulo

ngayong Pasko'y huwag kang makikipag-alit
at baka isa sa inyo'y makapanakit
unawain mo na lang, huwag magagalit
at baka pa makapatay ang iyong ngitngit

ngayong Pasko'y pagpasensyahan na lang sila
baka kaya nang-away, kayraming problema
baka ang pasko nila'y tuyo't walang pera
di na nila alam kung paano sumaya

ngayong Pasko'y panahon ng pagbibigayan
kahit na ang buong taon ay kahirapan
isang araw man ay damhin ang kasiyahan
kahit isang araw lang, walang kaalitan

- gregbituinjr./122516