Martes, Abril 11, 2017

Sa pula pinalulutang

SA PULA PINALULUTANG

sa pula pinalulutang
ng may mga pusong halang
ang puntiryang natatambang
sila na ba'y nahihibang

para nga ba sa hustisya
o dahil lamang sa pera
buhay nga ba'y barya-barya
puso ba nila'y masaya

isipan ay nasa bangin
at lumulutang sa hangin
paraiso'y nais hingin
ngunit siya ba'y diringgin

tokbang ay tigilan na ninyo
kung wala namang proseso

- gregbituinjr.

Sa panahon ng tokbang

SA PANAHON NG TOKBANG

natakot ang mga kriminal
natuwa naman ang kapital
gayong kapwa sila pusakal
at pareho ng inaasal

sa kapwa'y walang pakialam
sa dukha'y walang pakiramdam
para sa pera'y nang-uuyam
sariling galing lang ang asam

ang nais ng negosyo'y tubo
asam ng kriminal ay luho
ugali nila'y kapwa mabaho
mga sakim na dapat maglaho

sila'y dapat lang pawiin
sa lipunang dapat baguhin

- gregbituinjr.

Walang proseso'y nauso

WALANG PROSESO'Y NAUSO

pag buhay na ang inutang
sa nangyaring panonokbang
ito ba'y marapat lamang
gantihan ang mga halang

walang katapusang gulo
bungo ang kapalit-ulo
sugapang wala nang modo
patay kahit magsumamo

sa dilim napapitlag
di na sila makapalag
may gapos, di makatinag
hayagan iyong paglabag

walang proseso'y nauso
dahil sa iyong pangulo

- gregbituinjr.