Linggo, Disyembre 8, 2013

Rali agad sa Manila pagkagaling sa Tacloban

RALI AGAD SA MAYNILA PAGKAGALING SA TACLOBAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

madaling araw na nang makabalik sa Maynila
matapos ang limang araw ng aming paglalakbay
ngunit kinaumagahan ay agad sumagupa
sa rali sa di-es-dobol-yu-di (DSWD), ako'y nagnilay

ayon sa ahensya'y ititigil na raw ng Disyembre
ang pagbibigay ng relief goods doon sa Tacloban
anang Partido Lakas ng Masa'y dapat nagsisilbi
ang ahensya lalo't nasalanta'y ang mamamayan

kahit pagod na sa biyahe'y tuloy ang pagkilos
at dalhin sa pamahalaan ang mga hinaing
ng mga nasalantang marapat ding makaraos
mula sa trahedyang sa buong bayan ay gumising

di sapat ang rali, tuluy-tuloy dapat ang tulong
upang sa buhay ng nasalanta'y may maidugtong

* ang litrato'y kuha ng may-akda noong Disyembre 6, 2013 sa harap ng tanggapan ng DSWD sa Lungsod Quezon
* mangyaring tingnan ang kaugnay na ulat mula sa Partido Lakas ng Masa sa kawing na http://masa.ph/index.php?option=com_content&view=article&id=230&Itemid=1

Ang kaloobang puno ng himagsik

ANG KALOOBANG PUNO NG HIMAGSIK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

ang kaloobang puno ng himagsik
bulok na sistema'y di matangkilik
pagbabago ang tangi nilang hibik
kumikilos nang di patumpik-tumpik
prinsipyadong diwa'y inihahasik
nakikibaka silang parang lintik
bago pa mata nila'y magsitirik